Kabilang sa mga hinirang na magiging bahagi ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) para sa itatatag na Bangsamoro political entity sa Mindanao ang mga kilalang angkan sa lalawigan.
Sa inilabas na listahan at appointment paper ng Malacañang, hinirang na maging bahagi ng BTA si Moro Islamic Liberation Front (MILF) peace negotiator Mohagher Iqbal; chief minister si Ahod Balawag Ebrahim o mas kilala bilang Al Haj Murad Ebrahim; miyembro naman sina Ghadzali Jaafar, at Abdullah Gordiano Macapaar o kilala rin bilang Commander Bravo.
Kabilang din si Baintan Adil Ampatuan na executive director ng Regional Planning and Development Office ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Umabot lamang sa 76 ang komposisyon ng BTA at hindi 80 gaya ng unang napaulat dahil hindi nakakuha ng clearance sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at ilan pang ahensiya ang apat sa mga ito dahil may mga pending na kaso sa korte o sa Ombudsman.