May kasabihan nga na “Laughter is the best medicine”.

Ito ang naging solusyon ng mga ko­medyante, mapa-TV, pelikula at stage, para sa mga taong may mabibigat na problema. Na kahit sa sandali lang na mapatawa nila ang mga taong ito ay parang nakatulong sila na maibsan ang mga problema nila.

Pero hindi natin alam na ang mga taong ito ay dinadaan din sa pagpapatawa ang mga sarili nilang problema. Tila meron silang maskara na nakangiti pero sa likod nito ay tulad din sila ng mga normal na tao na dumadaan sa sari-saring pagsubok ng buhay.

Kabilang ang komedyanteng si Chokoleit (Jonathan Garcia in real life) na itinago ang tunay na lagay ng kanyang kalusugan para lang tuloy-tuloy siyang makapagbigay saya sa marami.

Kaya noong nakaraang March 9, 2019, sa edad na 46 ay bigla na lang kumalat ang balitang namaalam na si Chokoleit pagkatapos nitong mag-perform sa isang show sa Abra.

Ang cause of death ay pulmonary edema and heart attack.

Ating balikan ang ilang kome­dyante, na sa kanilang edad, ay ginulat ang marami sa bigla nilang pamamaalam.

 

RENE REQUIESTAS

36 years old lang ang ko­medyanteng si Renato Rabago Requiestas o mas kilala bilang Rene Requiestas nang pumanaw ito dahil sa sakit na tuberculosis noong July 24, 1993. Nagsimula sa teatro si Rene hanggang sa pasukin niya ang pagiging comedian sa TV via U.F.O.: Urbana, Felisa & Others noong 1985 at Sic O’Clock News noong 1987. Paborito siyang kunin noon ng direktor na si Ishmael Bernal at lumabas ito sa mga pelikulang Salawahan, Ikaw Ay Akin at Pabling. Pero ang pagiging sidekick niya kay Joey de Leon sa mga pelikulang Starzan, Elvis & James, Romeo Loves Juliet at Barbi ang nagpasikat ng husto kay Rene kaya ito nabigyan ng bida roles sa Cheetaeh: Ganda Lalake, Pido Dida, Michael & Madonna, Small, Medium, Large, Small & Big Weapon, Anak Ni Janice at Gandang Babae, Gandang Lalake.

 

TADO

Dahil sa isang freak accident kaya nagwakas ang buhay ng 39-year old comedian na si Tado o Arvin Jimenez in real life. Noong February 7, 2014, aksidenteng nahulog sa bangin ang sinasakyan na bus ni Tado sa Sitio Paggang, Talubin, Bontoc, Mountain Pro­vince. Isang actor, musician at scriptwriter si Tado na lumabas sa mga pelikulang Radyo, Trip, Hesus Rebolusyonaryo, Utang Ni Tatang, First Time, Astigmatism, Dilim, Boso at My Little Bossings. Sa TV naman ay napanood si Tado sa Strangebrew, Pangako Sa ‘Yo, Bituin, Klasmeyts, MTB: Masa­yang Tanghali Bayan, Ok Fine Whatever, Project 11, Laugh To Laugh, Baywalk, Camera Cafe at Palos.

BLAKDYAK

Marami ang nagulat sa balitang nag-suicide ang rapper-comedian na si Blakdyak o Joseph Amoto-Formaran sa tunay na buhay sa edad na 47. Natagpuan wala nang buhay si Blakdyak sa kanyang condominium unit noong November 21, 2016. Nakabalot ang kanyang ulo sa isang plastic bag na siyang naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Pinasikat ni Blakdyak ang novelty song na “Modelong Charing” noong 1997. Nasundan ito ng “Good Boy”, “Hayop Na Combo”, “Asin at Paminta” at “Summer Reggae”. Lumabas ito sa mga comedy films na Weyt A Minit, Kapeng Mainit, S2PID LUV, Asin at Paminta at Masikip Sa Dibdib.

REDFORD WHITE

Dahil sa sakit na lung cancer at brain tumor kaya namaalam noong July 5, 2010 ang comedian na si Redford White o Cipriano Cermeño II sa edad na 54. Unang lumabas si Redford sa sitcom na Iskul Bukol noong 1977 hanggang sa kunin siyang bida sa maraming comedy films noong ‘80s tulad ng Tartan, Darakula, Johnny Tango Rides Again, Rambo Tan-go, Billy The Kid and the Sunshine Gid, Hee-Man Master of None, Pipo’s Power, No Return No Exchange at Cobrador. Naging click naman ang tandem nila ni Eric Quizon sa sitcom na Buddy En Sol noong 1990 hanggang 1994.

BENTONG

Sa edad na 55, namaalam ang TV and film comedian na si Bentong, o Domingo Vusotros Brotamante Jr. sa tunay na buhay, noong February 9, 2019 dahil sa heart attack at dahil sa kumplikasyon dala ng sakit na diabetes. Nakilala si Bentong sa paglabas sa comedy films na Home Along Da Riles Da Movie, Oo Na… Mahal Na Kung Mahal, Jologs, Pera o Bayong (Not Da TV), One Night Only, The Adventures of Pureza: Queen of the Riles at Shake, Rattle & Roll XV. Lumabas din siya sa mga TV shows na Aalog-Alog, Tarajing Pot-Pot, Bora: Sons of the Beach, Arriba! Arriba!, Toda Max at Luv U.

BABALU

Nasa edad 56 lang si Babalu (Pablito Sarmiento in real life) noong pumanaw ito dahil sa sakit na liver cancer noong August 27, 1998. Pamangkin si Babalu ni Panchito Alba at ang Comedy King na si Dolphy ang nagbigay ng break dito nang i-guest niya ito sa show na Buhay Artista noong 1964. Naging household name si Babalu dahil sa paglabas nito sa mga pelikula ni Dolphy at sa paglabas niya sa mga TV shows na Oki Doki Doc at Four Da Boys. Nagkaroon ng pagkakataon na ma­ging bida si Babalu sa pelikulang Ang Pinakamahabang Baba Sa Balat Ng Lupa noong 1997.

JOY VIADO

Sa edad na 57 ay pumanaw ang singer-come­dienne na si Teresita Joy De Leon-Viado o mas kilala bilang Joy Viado noong September 10, 2016 dahil sa heart attack sanhi ng sakit na diabetes. Unang pinasok ni Joy ang showbiz sa pamamagitan ng children’s show na Eskwelahang Munti hanggang sa manalo siya sa singing contest na Fe S. Panlilio Scholarship noong 1994. Mas nakilala bilang comedienne si Joy dahil sa mga shows na Ang TV, Lunch Break, Maid In Heaven, Ay Robot, Camera Cafe, Daisy Siete, Kokey @ Ako, Pidol’s Wonderland, Wako Wako, Got 2 Believe at Luv U. Lumabas din siya sa mga comedy films ni Wenn Deramas na Who’s That Girl?, Moron 5 and the Crying Lady, Girl Boy Bakla Tomboy at Petrang Kabayo.