Nababahala ang mga kongresista sa nadaragdag na bilang ng mga Pinoy na kinakapitan ng HIV-AIDS.
Sa 452 na nagpositibo sa advanced stages ng HIV-AIDS mula Enero hanggang Marso ngayong taon, sinasabing karamihan sa mga ito ay miyembro ng LGBT community at kababaihan.
Ayon kay Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, maaari pa sanang mas mapahaba ang buhay ng 452 na nasa advanced stages na ng HIV-AIDS kung maagang nalaman na sila ay infected.
“Huli na nang makumpirmang meron na silang AIDS. Matagal na silang infected at sa panahon na iyon malamang marami na silang nahawahan kung hindi sila sumusunod sa monogamy, celibacy, at iba pang HIV protection practices tulad ng safe sex methods,” ani Herrera-Dy.
Inihayag naman ni Kabayan Rep. Ron Salo, miyembro ng kasapi ng House Committee on Health na batay sa kumpirmadong datos mula sa Department of Health (DOH) ang paghihiraman ng hiringgilya ay malaking problema lalo na sa Central Visayas.
Samantala, batay kay Iligan City Rep. Frederick Siao, patuloy na dumarami ang mga OFW na nagpopositibo sa HIV.
Posibleng malampasan pa aniya ngayong 2018 ang dami ng OFW na HIV pos. Dumarami rin umano ang HIV-positive sa Davao Region at nasa top 5.
Kata dapat nag ipatupad ang anti-HIV-AIDS program ng DOH gayundin ang kooperasyon ng LGUs at national government para hindi dumami ang kinakapitan ng HIV-AIDS. (Aries Cano)