Dapat ay imbestigahan ang mga lokal na opisyal na pumasok sa mga kontrata para sa reclamation project sa Manila Bay partikular sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Makabubuting alamin kung anong proseso ang ginamit sa nasabing reclamation project at kung ito ba ay aayon sa interest ng publiko.
Imbestigahan kung nagkaroon din ng pag-abuso at posibleng katiwalian sa reclamation project sa mga lokal na pamahalaan.
Ito ay sa gitna ng isinasagawang rehabilitasyon ng Manila bay na pinangungunahan ng DILG at DENR.
Tinatayang aabot sa 43 bilyong piso ang gagastusin sa rehabilitasyon ng Manila Bay na ang pondo ay mula sa taumbayan.
Kung matatapos ang rehabilitasyon at bubuti ang kalagayan ng Manila Bay ay hindi lubos na pakikinabangan ng publiko.
Matatakpan kasi ng reclamation project ng Manila Bay sa Roxas Blvd. ang mga establisimyento na pag-aari ng maraming negosyante na makikinabang sa rehabilitasyon.
Dapat ay ipatigil ng DILG at DENR ang reclamation project at ipagbawal ito na gawin lalo na sa Roxas Blvd.
Kung magpipilit ang mga negosyanteng nakakuha ng kontrata sa reclamation project ay ipapasan sa mga ito ang 43 bilyong piso na gastusin sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
Tanging ang kahabaan ng Roxas Blvd. na magandang tanawin sa Maynila at Pasay ang nasa gilid mismo ng dapampasigan sa Manila Bay.
Gawin na lang itong parke upang maging pasyalan ng publiko at panatilihing malinis ang paligid upang mayroon naman tayong maipagmalaki sa mga turistang dadayo sa Pilipinas.