Tadtad ng mga kontrobersiyal na personalidad ang party-list election sa susunod na taon.
Nasa 182 party-list group ang nag-aambisyong makabilang sa opisyal na listahang ilalabas ng Commission on Elections (Comelec) para sa idaraos na halalan sa 2019 at kabilang sa mga nominee nila ay mga personalidad na nasangkot sa kontrobersiya.
Kabilang dito si Mary Rose M. Ong alyas Rosebud na naging testigo ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Arroyo laban kay Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson. Pangalawang nominee si Rosebud ng Aangat Tayo party-list.
Numero unong nominado naman ng Hugpong Federal Movement of the Philippines si dating National Irrigation Administration (NIA) chief Peter Laviña. Matatandaang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Laviña sa NIA dahil sa korapsiyon.
Ang asawa ng broadcast journalist Raffy Tulfo na si Jocelyn Pua Tulfo ay pangalawang nominee ng ACT-CIS party-list. Si Tulfo ay kapatid ng sinibak ni Pangulong Duterte na si dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo dahil sa sumingaw na mga iskandalo sa Department of Tourism.
Pangunahing nominado naman ng Kilusan May Pagasa si dating Sr. Supt. Cezar Mancao na matatandaang tumakas at nagtago bago kalaunan ay sumuko rin matapos masangkot sa pagpatay sa publicist na si Salvador ‘Bubby’ Dacer at sa drayber nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Pangalawang nominado rin si Peter Anthony Abaya ng Kabayan o Kabalikat ng Mamamayan. Si Abaya ang dating general manager ng Philippine Reclamation Authority na kabilang sa mga opisyal na kinasuhan ng plunder sa Ombudsman kaugnay ng pagbebenta sa reclaimed land sa Manila Bay Development Corporation na higit P400 milyon.
Sasabak din sa party-list election ang abogado at tagapagsalita ni dating Chief Justice Renato Puno na si Atty. Rico Paolo Quicho, noong impeachment trial laban sa dating punong mahistrado.
Nominado rin si dating Presidential Communications Operations (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson ng AA-Kasosyo party-list.
Muli namang sasabak sa halalan si Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord na dating sumabak sa presidential election pero ngayon ay nominado ng Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) party-list group.