Naglabas ng abiso ang Maynilad sa pagkawala ng tubig sa ilang bahagi ng siyam na lungsod sa Metro Manila sa darating na Semana Santa dahil umano sa pagkukumpi ng kanilang pa­silidad.

Magsisimula sa Abril 16, Martes Santo, at magtatapos sa Abril 20 o Sabado de Gloria ang gagawing maintenance, pag-aayos ng mga tubo at pagpapalit ng mga valve.

Maaapektuhan nito ang mga kustomer ng Maynilad sa mga lungsod ng Maynila, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Parañaque, Pasay, Las Piñas, at Bacoor, Cavite.

Paliwanag pa ng kompanya, pansamantala lamang, at magsisimula ang pagkawala ng tubig mula sa gabi at tatagal hanggang alas-kuwatro nang mada­ling-araw kinabukasan.

Pinayuhan ng Maynilad ang mga residenteng maaapektuhan na mag-imbak ng tubig tatlong araw bago ang nakatakdang water interruption sa kanilang lugar upang hindi magkasabay-sabay sa pag-iimbak.

Siniguro rin ng kompanya na nakahanda ang kanilang mga water tanker para magdala ng tubig sa mga apektadong lugar.