Mga krimen na gumulantang ngayong 2018

1
Sagay City massacre
Oktubre 20. Minasaker ang siyam na magsasaka, kabilang ang apat na babae at dalawang bata sa Sagay City, Negros Occidental.
2
Ambush kay Ako Bicol Cong Rodel Batocabe
Dis­yembre 22. Pinagbabaril at napatay si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at ang kanyang police escort matapos mamigay ng regalo sa mga senior citizen at persons with disability sa isang covered court ng Brgy. Burgos, Daraga, Albay.
3
Ilang mayor, vice mayor pinatay
Kabilang dito ang pagpatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili na binaril sa flag ceremony sa harap ng kanilang city hall noong Hulyo 2, 2018. Nakilala si Halili dahil sa kanyang kontrobersiyal na “walk of shame” laban sa mga suspek sa krimen at droga.
4
PNP palit-puri scam
Nobyembre 2018. Isang pulis-Maynila inaresto dahil sa palit-puri scam sa isang dalagita kapalit ng pagpapalaya diumano sa magulang nito na inaresto sa kasong may kinalaman sa droga.
Makalipas ang ilang araw, dalawang pulis-Quezon City ang nasangkot din sa palit-puri scam sa isang babae na kanilang inaresto sa kasong illegal gambling.
5
Bomb attack sa Isulan, Sultan Kudarat
Agosto 28. Ginulantang ng pagsabog ang pagdiriwang ng Hamungaya Festival sa bayan ng ­Isulan. Isa ang nasawi at 36 ang sugatan sa insidente.
Setyembre 2. Isa pang bomb attack ang naganap sa Isulan kung saan isang internet café ang hinagisan ng bomba na ikinamatay ng isa katao at apat ang sugatan.
6
Chinese chop-chop victim
Nobyembre 21. Isang babaeng Chinese national na inatado ang bangkay at isinilid sa maleta ang natagpuan ng mga awtoridad sa loob ng isang condominium unit sa Makati City. Naaresto ng mga pulis ang apat na Chinese national na suspek sa karumal-dumal na krimen.
7
Aktor Julio Diaz timbog sa buy-bust
Abril 20. Nasakote ang aktor na si Julio Diaz (Mariano De Leon y Calongje sa tunay na buhay) sa isang buy-bust operation sa Brgy. Langka, Meycauayan City, Bulacan.
8
Pagpatay sa mga piskal
Mayo 11. Tinamba­ngan si Quezon City Assistant Prosecutor Rogelio Velasco habang lulan ng kanyang sasakyan.
Hunyo 4. Pinatay si Ombudsman Assistant Special Prosecutor Madonna Joy Tanyag matapos holda­pin ng nag-iisang suspek sa Quezon City. Makalipas ang ilang oras ay nasakote ang suspek na si Angelito Avenido Jr., isang jeepney barker.
9
Amerikana pinatay ng 2 kababayan
Isang American national ang pinatay at itinapon ang bangkay sa Pasig River sa Maynila. Dalawang American national din ang inaresto matapos magsumbong sa pulisya ang Grab driver na kanilang sinakyan habang dala ang malaking kahon na pinagsidlan sa bangkay ng biktima na itinapon sa Pasig River sakop ng Baseco Compound, Port Area, Maynila.
10
Mga pulis na pinatay sa Metro Manila
Binaril si PO2 Manuel Melendrez ng PNP-Cri­minal Investigation and Detection Group habang pababa ng kanyang sasakyan sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Caniogan, Pasig City.

Tinamba­ngan si PO1 Moises Reyan Llamas ng Sta. Ana Police Station-Station Drug Enforcement Unit, sa Brgy. Tejeros, Makati.

Napatay si Senior Inspector Manuel Taytayon sa isang police operation sa Pasay City laban sa isang suspek sa pagpatay sa isang Grab driver.

Pulis sa Taguig City na si PO1 Rodeo Taccaban, patay matapos tambangan ng riding-in-tandem habang nagsasagawa ng surveillance operation laban sa isang grupo ng robbery-holdup gang.

Isa pang pulis-Quezon City na si Inspector Romeo Tandas ang patay matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa panulukan ng Commonwealth Avenue at University Lane sa Brgy. UP Campus.