Dear Kuya Rom,
Tatlo ang naging girlfriend ko, pero hindi ko nakatuluyan ang kahit sino sa kanila. Dahil matagal akong hindi nag-asawa, ang sabi ng iba, ‘playboy’ ako.
Pinaglalaruan ko raw ang mga babae. Pero ang totoo, maingat lang ako. Marami sa paligid ko kasi ang hiwalay sa asawa, at ayaw kong maranasan ang hirap at gulong pinagdadaanan nila.
Ako ay 30 years old nang makilala ko ang babaeng kakaiba sa lahat. Bata siya, pero parang matanda kung mag-isip. Maganda, pero hindi ipinagyayabang ang sarili. Magaling magsalita, pero hindi madaldal. Matalino, pero hindi ka niya pagtatawanan kung hindi mo alam ang alam niya.
Tatlong taon ko siyang naging girlfriend, bago kami ikinasal. May dalawang anak na kami. Masasabi kong mapalad ako, sapagkat napangasawa ko ang ‘the love of my life’.
Ang mga taong nagsasabing ‘playboy’ ako noon, ay may sinasabi ngayon na hindi maganda tungkol sa akin. Sabi nila, ako ay isang ‘cradle-snatcher’. Kasi 12 years ang tanda ko sa misis ko.
Ngayon, dahil, maayos ang pagsasama namin ng asawa ko, ang sabi nila, nakakuha raw ako ng isang ‘trophy wife’. Nagpapanting ang tainga ko kapag naririnig ko ang mga pinagsasabi nila.
Hindi ko pinakasalan ang misis dahil higit na mas bata siya sa akin, kundi mahal ko siya at mahal niya ako. Hindi ko rin ibinibilang siyang isang materyal na bagay, kaya hindi siya isang tropeo para sa akin.
Para silang mga kritiko sa buhay ko. Talaga bang may mga taong ganito na masayang pinag-uusapan ang buhay ng iba? Paano ko pakikiharapan ang mga kaibigan kong mahilig magkomento ng tungkol sa sarili kong buhay? — Waldo
Dear Waldo,
Kung marunong kang mamili ng tamang asawa, marunong ka ring mamili ng tamang mga kaibigan. Kung paano ka nag-ingat sa pagpili ng asawa, maging maingat ka rin sa pagpili ng mga kaibigan. Ang turo ng Biblia: Huwag kang palilinlang, sapagkat “ang masamang kasama ay nakasisira ng mabuting ugali”.
Hindi mo kailangan ng maraming kaibigan kung hindi sila nakakatulong sa pagpapaunlad ng iyong pagkatao. Makipag-ugnayan ka lamang sa mga kaibigang tapat, nagmamahal, at gumagalang sa iyo. Isapuso mo ang mga talatang ito:
“Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama, o sumusunod sa mali nilang halimbawa, at hindi nakikisama sa mga taong nangungutya.
Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon, at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa, na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon. Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.” (Salmo 1:1-3)
Waldo, para sa inyong mag-asawa, congratulations! May God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom
Ang yabang mo waldo
waldo, huwag mong pahalagahan ang mga sinasabi ng mga kaibigan mo kuno. pasok sa isang tenga labas sa kabila. hanggat maligaya kayo ng misis mo, huwag mo silang pansinin.