Tampok ang Ballet Manila sa ­muling pagtatanghal ng “Mga Kuwento ni Lola Basyang” bilang pamaskong handog ng Star City. Tatlong kila­lang mga kuwento na akda ni Severino Reyes ang binuhay ngayon sa entablado ng Aliw Theater hanggang ika-2 ng Enero, tuwing alas-7 nang gabi. Magkakaroon din ng mga palabas alas-4 ng hapon at alas-9 ng gabi, sa mga araw ng Pasko at Bagong Taon.

Ang ‘Prinsipe ng mga Ibon,’ sa koreograpiya ni Osias Barrosa at musikang inayos ni Mon Faustino, ay tungkol sa paghahanap ng tunay na pag-ibig, kung saan nagiging ibon ang isang prinsesa upang makapi­ling ang kanyang prinsipe.

Ang ‘Labindalawang Masasayang Prinsesa,’ sa koreograpiya ng artistic director ng Ballet Manila na si Lisa Macuja-Elizalde, at sinaliwan ng musika ni Arnold Buena, ay tungkol naman sa 12 prinsesang umaalis ng kanilang palasyo gabi-gabi at bumabalik na putikan ang mga sapatos – bagay na ipinagtataka ng kanilang dama at amang hari.

Ang ‘Mahiwagang Bituin,’ gamit ang musika ni Ryan Cayabyab, sa koreograpiya ni Tony Fabella, ay tungkol sa isang batang si Rodrigo na gamit ang kanyang biyulin upang gabayan ang iba sa pagtatagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan.

Ang “Mga Kuwento ni Lola Basyang” ay handog nang libre sa mga bisita ng Star City ngayong Kapaskuhan.