Mga lider-rebelde pinili ang balik-selda para sa seguridad

bubwit-ni-deo-macalma

Alam niyo bang nagbalikan na pala sa kulungan ang matataas na lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF kasunod ng naunsya­ming peace talks.

Kung dati-rati ay nagtatago at bumabalik sa kanilang comrades ang mga lider-rebelde na may hawak na mga safe conduct pass kapag napurnada ang peace talks, at naibabalik na lang sa kulungan kapag nahuli uli ng militar at pulisya, ngayon nakagugulat kasi kusa silang bumalik o ‘umuwi’.

Ayon sa aking bubwit, kusang nagbalik sa ‘ob-lo’ ang hindi bababa sa 10 consultant ng CPP-NPA-NDF sa usapang pangkapa­yapaan.

Yes mga pare at mare, nakagugulat ang kuwento ng a­king bubwit na pinili ng hindi bababa sa 10 li­der-rebelde na nakara­ting sa The Netherlands para umaktong consultant sa naunsyaming peace talks ang bumalik na sa kanilang selda sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

Ano ba ‘to mga comrade tulak ng kondisyon o may kinalaman pa rin sa kasakuluyang admi­nistrasyon? Medyo nakakapanibago kasi na mga lider-rebelde, mga mahuhusay na kadre na matitinik sa bakbakan at sa larangan ng security sa underground movement para iwas-huli ay kusang nag-uwian este nagbalikan sa kulungan? Hehe an­yare?

Ayon sa aking bubwit, mas pinili ng mga kadreng bumalik sa kulungan kaysa sa labas kung saan lantad sila sa peligro ng posibleng ambush o assassination habang ang init pa ng ulo ni Presidente Rodrigo Duterte sa kilusang komunista resulta ng natigil na usapan. In short, umiiwas silang madale ng mga gumagalang gustong gantihan sila, militar, pulis o kaya’y vigilante ng mga pinarusahan ng kilusan.

Ang pinakaprominente sa hindi bababa sa 10 kadre na bumalik na sa kulungan imbes magbabad pa sa labas o sa kanilang comrades ay ang da­ting hepe ng NPA na mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon.