Mga maanomalyang transaksyon ng Banco Filipino tatalupan

Pinapabusisi ng ilang kongresista ang umano’y mga maanomalyang transaksyon ng mga may-ari ng nabangkaroteng Banco Filipino na naging dahilan ng pagkalugi at kalaunan ay tuluyang pagsasara nito.

Ayon kay House Committee on Labor and Employment chair Enrico Pineda, papalo sa higit P2 bilyon ang mga utang na hindi pa rin nababayaran ng Pamil­ya Aguirre — na siyang may-ari ng Banco Filipino.

Paliwanag ni Pineda, ang nasabing multi-bilyong utang ang isa sa mga pangunahing dahilan ng tulu­yang pagsasara ng nasabing bangko noong 2011.

Inihain kamakailan ni Pineda at apat pang kongresista ang House Resolution No. 610 na naglalayong talakayin at imbestigahan ang mga kaduda-dudang utang at iba ang mga transaksyon ni Alberto ‘Bobby’ Aguirre at kanyang mga kamag-anak, at maging ang iba pang opisyales ng Banco Filipino bago ito nalugi.

Paliwanag ni Pineda, hindi pa huli ang lahat para muling silipin ang mga gusot sa nasabing bangko upang makapaglatag ng mga panukalang batas para hindi abusuhin ng mga may-ari at matataas na opis­yales ng bangko ang kanilang katayuan para lamang sa kanilang pansariling kapakanan. (JC Cahinhinan)