Mga magnetic lifter may lamang shabu — BOC official

Pumiyok ang isang deputy collector mula sa Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng apat na magnetic lifter na nasamsam mula sa Cavite noong Agosto.

Ayon kay Atty. Ma. Lourdes Mangaoang, Deputy Collector sa Port of Manila (POM), naglalaman ang mga magnetic lifter ng tinatayang P6.8 billion na halaga ng shabu.

Ito ay base na rin ani­ya sa mga X-ray image­ na lumabas nang suriin ang kargamento.

Katunayan, binigyan pa raw niya ng kopya ng X-ray image si BOC Commissioner Isidro Lapeña, pero wala raw itong aksyon na ginawa.

Inirekomenda pa raw niya na masibak ang mga sangkot na opisyal at kawani sa BOC, pero tikom lamang umano ang bibig ni Lapeña.

Moderno umano ang teknolohiya ng X-ray machine ng BOC dahil kaya nitong masuri ang hanggang labing-isang pulgadong lalim ng isang bakal.

Nagtataka rin daw siya kung bakit iginigiit pa ni Lapeña na walang lamang ipinagbabawal na gamot ang mga magnetic lifter sa kabila ng ebidensiya.

Dagdag pa ni Mangaoang, nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kopya ng mga X-ray image ng mga magnetic lifter dahil nagpaabot na ng kopya si BOC Intelligence Group Deputy Commissioner Ricardo Aquino.