Mga magsasaka, nagbungkal, nagtanim, nag-ani pero lugi pa rin – Pangilinan

Mga magsasaka, nagbungkal, nagtanim, nag-ani pero lugi pa rin – Pangilinan

Patuloy pa rin umano ang pagbagsak sa presyo ng palay sa kasalukuyan kaya’t kailangan nang bigyan ng agarang tulong ng gobyerno ang mga naluluging magsasaka, ayon kay Senador Francis Pangilinan.

“Huwag hintaying patay na ang kabayo, ipatupad na ang mga magsasalba sa mga magsasaka,” pahayag ni Pangilanan.

Sabi ng senador, nitong nagdaang mga araw naitala ang pinakamababang presyo ng palay sa Bulacan kung saan pumapatak lamang ito sa P10 kada kilo.

“Natala ang pinakamababang presyo sa Bulacan, kung saan ang palay ay binebenta ng P10 kada kilo, mababa sa tinatayang production cost na P12 kada kilo,” ani Pangilinan.

“Lugi na po ang ating mga magsasaka. Nagbungkal, nagtanim, nag-ani na ang mga rice farmer natin pero lugi sila,” saad pa nito.

Isa umano sa solusyon na kanyang pinanukala ay agad na ipatupad ng gobyerno ang agriculture special safeguards sa ilalim ng Rpeublic Act 8800.

“This has already been triggered by a volume or price threshold of imports,” ani Pangilinan.

Sa nagdaang budget hearing ng Department of Finance, sinabi ni Secretary Carlos Dominguez na umabot na sa P10 bilyon ang nakolektang taripa mula sa imported na bigas.

“Ibig sabihin, itaas na ang taripa ng mga inaangkat na bigas mula sa kasalukuyang 35% sa 47%,” ayon kay Pangilinan.

“Mababa pa rin itong 47% sa sinasabi ng Philrice na patas na taripang 70%. Pero kahit papano, makakatulong na ito sa ating mga magsasaka,” dagdag pa nito.

Paliwanag ni Pangilinan, pinapayagan itong tinatawag na “regular safeguards” at “agriculture special safeguards” sa ilalim ng mga patakaran ng WTO at maging ng ating mga batas. Subalit hanggang ngayon aniya’y pinagdedebatehan pa ito.

“At dahil krisis na ang kalagayan ng ating mga magpapalay, kailangan talagang unahin na ang cash assistance, na buod ng ating Senate Joint Resolution 2, which we filed September 5,” anang senador.

Sumasang-ayon naman umano dito sina Agriculture Secretary William Dar at Dominguez, at maging mga kasama sa Senado at House of Representatives kaya’t umaasa siyang mabibigyan ng ayuda ang mga rice farmer sa bansa.

“Mahigit dalawang buwan nang nakakaraan nang una nating ipinanukala ang mga ito bilang solusyon sa pagdurusa ng ating mga magpapalay,” sabi ni Pangilinan.

“Ika nga, huwag namang hintaying mamatay ang kabayong nagpapakain sa buong bayan,” sambit pa nito. (Dindo Matining)