Tutol ang mga magsasaka at lokal na opis­yal sa Nueva Ecija sa desisyon ng Department of Agriculture (DA) na payagan ang pag-aangkat ng sibuyas mula sa China.

Sa isang press conference noong nakaraang Linggo, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na i­naprubahan ng pamahalaan ang pag-aangkat ng 35,000 tonelada ng pulang sibuyas sa China para bumaba ang presyo nito sa merkado.

Ipinahayag naman ni Bongabon, Nueva Ecija Mayor Allan Gamilla na kanilang naiintindihan na kailangang ibalanse ng gobyerno ang presyo ng mga bilihin pero mas maganda kung maghahanap ng iba pang paraan bago humantong sa pag-aangkat.

Maaapektuhan aniya ng pag-aangkat ng sibuyas ang mga magsasaka kapag bumaba ang presyo nito.

“Sa pag-i-stabilize, gobyerno naman talaga ang may kontrol nito. Maaari pong sila ang magdikta ng tamang presyo na kikita ‘yung mga magsasaka at kaya lang po ng consumer sana para maging balanse,” ani Gamilla.

Sang-ayon ang alkalde sa sinasabi ng mga magsasaka na ang presyo nga­yon ng sibuyas sa palengke ay pumapalo ng mula P130 hanggang P200 kada kilo na hindi maka­bubuti sa mga consumer.

Inamin din nito na may suportang ibibi­gay ang DA sa mga magsasaka noong Disyembre katulad ng pami­migay ng libreng bihin at pamatay peste.

Gayunman, tiyak aniyang maaapektuhan ang mga magsasaka ng sibuyas sa desisyon ng pamahalaan na mag-angkat nito.

“Okay lang mag-import pero huwag sana sa panahon na umaani dahil ngayon pa lang kami nagbabakasakaling bumawi sa mala­king lugi,” ani Gamilla.

Matatandaang sinabi naman ng DA chief na darating sa kalagitnaan ng Pebrero ang mga imported na pulang sibuyas para maiwasan ang panahon ng anihan upang hindi maapektuhan ang mga magsasaka.

“Huwag po sana,” sabi naman ni Leon Abunan, 72, na isang magsasaka sa Brgy. Lusok, Bongabon.

Malaki aniya ang magiging epekto sa kanila ng imported sibuyas dahil babagsak ang presyo nito.

Sa rekord ng Munici­pal Agriculture Office, mahigit 2,300 hektarya ng mga lupang saka­han sa nasabing bayan ay tinaniman ng sibuyas noong 2019. (W/PNA)