Pinawi ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang pangamba ng mga magsasaka sa plano ng gobyerno na i-liberalize ang importasyon ng bigas at kanyang tiniyak na hindi ito mangangahulugan na matatapos ang lokal na produksiyon ng bigas.
“Maski gaano pa kasidhi ang kagustuhan ng mga importers na maparami ang pagpapasok ng imported na bigas, limitado din ang world supply ng bigas at kapag tumaas iyong ating importation siyempre tataas iyong presyo sa world market. Kuwan iyan eh, trade and commodity iyan,” ani Piñol sa panayam sa kanya.
Binigyan-diin ni Piñol na may tatlong milyong metriko tonelada ng bigas ang ‘globally accessible’ para sa pag-aangkat dahil sa kakulangan ng bigas.
“Beyond that, kapag umorder ka ng ganiyan ay talagang tataas na iyong presyo sa world market, at makaka-compete na iyong ating mga magsasaka,” ani Piñol.
Sinabi ni Piñol na ang pag-asa ng Pilipinas sa Vietnam, Thailand at iba pang mga bansa sa pag-export ng bigas ay hindi magtatagal dahil ang mga bansang ito ay lumalaki rin ang populasyon.
Ayon kay Piñol, ang mga export ng bigas ng Thailand na humigit-kumulang sa 7.3 milyong metriko tonelada kada taon ay bababa sa lima hanggang 10 taon dahil sa lokal na pangangailangan ng Thailand.
Magugunita na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero ang Rice Tariffication Law na magtatanggal ng quota sa bigas at magpapataw ng 35% taripa sa mga imported rice.