Fructuosa Alma Olivo
Fructuosa Alma Olivo

HINIRANG bilang Ba­yaning Pilipino para sa taong 2017 si Fructuosa Alma ‘Neneng’ Olivo, isang social worker na inilaan ang tatlong dekada ng kanyang buhay para magturo sa mga batang Badjao sa Davao City, sa ginanap na 14th Gawad Geny Lopez Jr. Ba­yaning Pilipino Awards kamakailan sa Dolphy Theater ng ABS-CBN sa Quezon City.

“Sa lahat ng naniniwala sa ginagawa ko: Simple lang naman po ito. Lahat tayo ay tinawag para ma­ging bayani. Kaya ‘pag tayo ay nagbigay, ibigay po natin lahat sa abot ng ating makakaya,” sabi ni Neneng sa kanyang maik­ling talumpati.

Ang Gawad Geny Lopez Jr. Bayaning Pilipino Awards ay isang parangal para sa mga makabagong bayani sa loob at labas ng bansa.

Binibigyang-pugay nito ang mga pambihirang gawain ng mga Pinoy sa larangan ng serbisyong pampubliko.

Sa opening remarks ng ABS-CBN chairman na si Eugenio Lopez III, binigyang-diin nito na taglay ng isang bayani ang determinasyon at pagmamahal para sa kanilang ginagawa upang makatulong at mapaunlad ang buhay ng iba.

Para kay Lopez, ang tagumpay nila ay dulot ng maliliit na pamamaraan ng paglilingkod na ginagawa nila nang buong puso.

Bukod kay Neneng, kinilala rin ang midwife na si John Mark Odani bilang Bayaning Kabataang Pilipino para sa kanyang dedikasyon na makapagbigay ng serbisyong pang­kalusugan sa indigenous people sa Brgy. Batian sa Sarangani.

Kinilala naman na Bayaning Samahang Pilipino ang Psoriasis Philippines Online Community, Inc. (PSORPHIL) para sa adbokasiya nitong tanggalin ang stigma sa mga taong may psoriasis at para tulungan ang mga mayroon nito na labanan ang depresyon.

Nagbigay-pugay din ang Bayaning Pilipino Awards sa mga Pinoy sa North America, South Korea at Qatar at pinarangalan ang mga makabagong bayani na gumawa pa rin ng makabuluhang bagay para sa iba bagama’t sila ay nasa ibang bansa.

Bayaning Pilipino winners
Bayaning Pilipino winners

Sa North America, iginawad ang Bayaning Kabataang Pilipino sa North America award kay Loizza Aquino, founder ng ‘Peace of Mind 204’ na isang youth-led organization na nagsusulong ng kamalayan tungkol sa iba’t ibang mental health issues at tumutulong sa mga taong mayroong mental illness.

Wagi ng Bayaning Samahang Pilipino sa North America award ang Building Lives for a Better Future, isang non-profit organization na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga estudyanteng na­ngangailangan nito.

Panalo rin si Katherine Corteza bilang Bayaning Pilipino sa South Korea para sa paggamit niya ng kanyang boses upang talakayin ang napapanahong mga isyu gaya ng labor abuse, inequality at migration sa mga Pilipino roon.

Si Noli Perez ang hinirang na Bayaning Pilipino sa Qatar para sa kanyang pagsusumikap na mai­salba ang ilang overseas Filipino workers sa gitna ng panganib na dulot ng labor injustice sa Middle East.

Isang special citation ang iginawad kay Darlito Palermo ng Tagum City, Davao del Norte.

Ang gabi ng parangal ay pinangunahan nina Julius Babao, Robi Domingo at Judy Ann Santos kasama si Angel Locsin, performers na sina KZ Tandingan, Iñigo Pascual, Ylona Garcia, JK Labajo, Froilan Canlas, Voltz Vallejo at Ogie Alcasid.

Presenters sina Nash Aguas, Alex Ilacad, Enchong Dee, Michelle Gumabao, Marielle de Leon at Rachel Peters.

Panoorin ang 14th Gawad Geny Lopez Jr. Ba­yaning Pilipino Awards bukas (Linggo) ng 10:15 AM bago mag-ASAP sa ABS-CBN.