Mga mall sa Rizal sarado muna

Ipinag-utos na ng Rizal provincial government ang pansamantalang pagsasara ng mga matataong lugar sa kanilang lalawigan, gaya ng mga mall, bar at iba pang establisimiyento bilang bahagi ng pamahalaan na mapigilan ang pagkalat sa bansa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Base sa inisyung memorandum ni Rizal Governor Rebecca Ynares, nabatid na ang suspensiyon sa operasyon ng mga mall, gaming outlet, internet cafe, bar, coffee shop at iba pang establisimiyento sa kanilang lalawigan ay epektibo na kahapon, Lunes, Marso 16.

Paglilinaw naman ni Ynares, hindi kasama sa temporary closures ang mga restaurant, pamilihan, grocery store, drugstore, ospital at iba pang tanggapan na nagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.

Nanawagan rin ang gobernadora sa mga restaurant, hotel at iba pang event center na pahintulutan ang kanilang mga kliyente na i-reschedule at i-rebook ang kanilang mga aktibidad nang walang karagdagang babayaran o anumang penalty. (Edwin Balasa)