Hindi pa man nakakasampa sa Senado ang panukalang i-extend ng maximum period na dalawang taon ang probationary employment ay tablado na agad ito sa mga senador.

Halos mayorya ng mga senador ay ayaw sa panukalang batas ng isang party-list re­presentative dahil hindi katanggap-tanggap ang rason na para makilatis ng husto kung kuwali­pikado o hindi ang isang empleyado na maging regular ­employee.

Sa kasalukuyan ay umiiral ang anim na buwang probationary period para sa lahat ng manggagawa alinsunod sa umiiral sa batas paggawa (Labor Code), at tiyak na magiging mainitan ang debate kapag iginiit ang 24-month probationary period.

Kung iisipin, ­hindi pa nga natatapos ang ­problema sa contractua­lization ­dahil marami pa ring mga ­negosyante ang hindi sumusunod na tapusin na ang ­sistemang “endo” o end of contract at ngayon ay ipapanukala pa ang mas mahabang panahon ng probationary period.

Malinaw sa campaign promise ni Pangulong Rodrigo Duterte noon na tatapusin ang sistemang endo pero heto ang isang magiting na mambabatas at gustong pahabain ang kalbaryo at paghihirap ng mga arawang manggagawa. Marami ka bang kompanya sir?

Malinaw na mas matimbang para sa interes ng mga negosyante kaysa sa mga manggagawa ang panukalang 24-month probationary period. Kung may magaling na Human Resource Development Manager ang isang kOmpanya, hindi kailangan ang dalawang taon para pagpasyahan kung ire-regular o hindi ang isang mangaggawa.

Sa pag-apply pa lamang ng mga manggagawa ay parang dumadaan na sa butas ng karayom ang mga ito dahil sa serye ng mga pagsusulit at interview bago matanggap sa trabaho.

Isipin na lamang kung ano ang mararamdaman ng isang manggagawa kung ipatupad ang dalawang taon na probationary period dahil habang nagtatrabaho ay laging nasa likod ng utak nito kung may trabaho pa ba ito pagdating ng dalawang taon kapag sinabi ng employer na hindi siya kuwalipikado. Nasaan ang proteksiyon ng mga manggagawa? Masyado namang kinakawawa ang mga maliliit na Pilipino!

Mabuti na ­lamang at nagkakaisa ang mga senador na “­patayin” ang panukalang ­batas sa sandaling ­makara­ting ito sa ­Senado. Mismong si Senador Franklin Drilon ang nagsabing magiging dead on ­arrival (DOA) ang panukala.

Dahil mainit din lang ang isyu sa ­napakahabang probationary period sa trabaho, panahon na siguro para kumilos din ang Department of Labor and Employment na pabilisin ang paglabangkas sa ­Security of Tenure Bill para maaksiyonan ng Kongreso at mabigyan ng proteksiyon ang milyon-milyong manggagawa na naaabuso dahil sa mga kontratang lima hanggang anim na buwang probation period.

Ang ganitong ­sistema ang sinasamantala ng ­maraming tusong negosyante dahil walang mabigat na batas na ­nagpapataw ng parusa sa mga lumalabag sa batas ­paggawa.