Mga manikang may sanib

Sa tuwing magsasapelikula ng mga nakakatakot na manika tulad ng sikat na sikat na sina Chucky at Anabelle, kinakagat agad ito ng masa. Gustong-gusto nila ang mga ganitong tipo ng horror movies na maging ang mga bata ay kinaaaliwan subalit kinatatakutan rin kapag nagbagong anyo na. Kaya naman pagdating ng Halloween ay hindi nawawala ang karakter ng mga manikang may sanib. Pero gaano nga ba katotoo ito? Bakit ginagamit ng demonyo ang manika upang makapaghasik ng lagim?

Ang mga mangkukulam ay gumagamit din ng manika bilang bahagi ng kanilang orasyon sa kanilang masamang gawa. Tinatawag din itong voo doo doll o manika ng mangkukulam. Dito inilalagay ang buhok o anumang parte ng katawan ng tao na nais nilang kulamin. Dinadasalan ng mga lengguwaheng sila lamang ang nakakaintindi at saka tinutusok ng karayom ang mga bahagi ng taong nais nilang saktan. Pero bakit nga ba?

Ito ay sa kadahilanang, ang mga manika ay maihahalintulad sa isang bata, isang bata na walang muwang sa mundo at itinuturing pang anghel sapagkat wala pa itong kamalayan sa kasalanan. Ang mga manika ay nililikha para sa kasiyahan ng mga bata kaya sila ay karaniwang may maamo at magandang mukha na kinagigiliwan ng mga bata maging ng mga matatandang may pusong bata. Hindi mo iisipin na ang nakakagiliw na manika ay makakagawa ng hindi maganda tulad din ng pagkagiliw mo sa isang nakakatuwang bata. Ito ay isang magandang kublihan ng demonyo. Dahil ang mga demonyo ay mapagpanggap, mapanlinlang at hinihintay na sila ay paniwalaan bago sila aatake.

Tulad na lang ni Robert, isang manika na pag-aari ni Robert Eugene Otto na taga-Florida. Sa kanya mismo ipinangalan ito. Sinasabing ang manika raw na ito ay ibinigay kay Eugene ng isang kasambahay nila na pinalayas ng mga Otto dahil natuklasang ito ay isang mangkukulam. Pero bago nga tuluyang gumora ang mangkukulam na kasambahay ay ibinigay niya kay Eugene ang manikang may sumpa. At dito na nagsimula ang mga kamalasan at kapighatian sa pamilya Otto.

Ayon sa kasaysayan, madalas daw marinig si Eugene na kinakausap ang manikang si Robert na may taas na tatlong talampakan, subalit ang hindi pangkaraniwan ay ang marinig din nila ang boses na tumutugon kay Eugene. Madalas din daw makarinig ng iba’t ibang klase ng ingay mula sa kuwarto ni Eugene na noon ay walong taon gulang pa lang.

May mga nasisirang kasangkapan at ganoon din ang iba pang mga laruan ni Eugene. Kapag tinanong ang bata kung sino ang may gawa, ang itinuturo nito ay si Robert, ang kanyang manika.Sa kabila ng kababalaghang ito, si Robert ay nanatili sa pangangalaga ni Eugene. Hanggang sa pag­laki, ay kasama niya ito. Kahit nung maging artist na siya at ikasal ay nasa kanya pa rin si Robert. Isang beses ay ibinalik ng asawa ni Eugene sa attic si Robert pero ibinalik ni Eugene si Robert sa Turret room kung saan ito komportable, gusto raw kasi ni Robert na nakikita ang labas. Kaya naman ang mga dumadaan sa tapat ng bahay nila kung saan natatanaw si Robert ay natatakot o kaya naman ay umiiba ng daan.

Kayo, meron din ba kayong pag-aaring ma­nika na may hatid na kababalaghan sa inyong buhay? Sinasabing ang mga kaluluwa daw ng mga yu­maong mahal natin sa buhay kung minsan ay sumasanib sa manikang pinaglalaruan ng ating anak upang magkaroon lamang ulit ng komunikasyon sa kanila. Kaya maging mapagma­tyag tayo sa mga manikang pinaglalaruan ng ating mga anak. ­