Mga manyak prof pinapatalsik­ ng Ateneo alumni

Nagpakalat ng online petition ang ilang mga alumni ng Ateneo de Manila University (ADMU) na sumusuporta sa mga pagpalag sa kawalang aksiyon ng administrasyon ng unibersidad laban sa umano’y nagaganap na sexual harassment sa loob ng campus.

“Ateneo de Manila University Alumni call to End Sexual Harassment on Campus” ayon sa petisyon na sinimulan noong Miyerkoles, Oktubre 16.

Sabi sa petition, kampi sila sa mga mag-aaral, faculty at staff na nagpoprotesta dahil malabo at kulang ang aksiyon ng Ateneo sa mga paulit-ulit at marami ng mga kaso ng sexual harassment laban sa faculty nito.

“We support students, faculty, and staff protesting over the administration’s inadequate and opaque responses to multiple and repeated cases of sexual harassment by faculty,” sabi sa petisyon.

Ayon sa mga alumni, marami nang lumalabas na reklamo sa pangmamanyak sa Ateneo sa nakaraang mga taon at inilabas ng mga biktima ang kanilang mga hinanaing sa iba’t ibang pamamaraan.

Sabi ng mga alumni, resonable maghayag ng damdamin tungkol dito sa online dahil talo ang mga estudyante o ang mga junior faculty dahil sa kasalukuyang sistema, mistulang dedma lang ang management sa mga reklamo ng mga estudyante.

“Some of these allegations have been raised online. This is a reasonable avenue for persons in distress in light of the power imbalance between students and teachers—or even junior faculty and ­tenured faculty—and the current opaqueness and inaccessibility of the grievance procedure. We should assume the good faith of these complaints,” sabi sa petisyon ng Ateneo alumni.

Sabi pa na hindi dapat magtago sa Data Privacy Act at sa Safe Spaces Act ang Ateneo at hindi ito dapat gawing dahilan para sa mabagal, malabo at palpak na imbestigasyon nito ng mga kaso ng sexual harassment.

Ayon kay Senador Risa Hontiveros, mas dapat na pinoprotektahan ng Safe Space Act ang hinaras o ang biktima at hindi ang mga harasser o suspek.

“The law protects identities of the accused if they are minors, not adult sex offenders. No space is safe for as long as sex offenders are allowed to thrived,” diin ng senadora.

Naglabas ng memo para sa University Community si Ateneo president Jose Ramon Villarin SJ na nagsasabing gagawa ang pamantasan ng Anti-Sexual Harassment manual ngunit hindi pa ito magagawa hanggang hindi pa lumalabas ang implementing rules and regulations ng Safe Spaces Act.

Hindi binanggit ni Villarin ni minsan sa memo ang isinagawang kilos protesta laban sa sexual harassment sa Ateneo campus nitong nakaraang linggo.

Tinanong ng Abante ang Ateneo tungkol sa pangmamanyak sa campus nito ngunit hindi ito nagbigay ng paha­yag. (Eileen Mencias)