Dapat may sahod din ang mga maybahay na nananatili lamang sa bahay at nag-aalaga ng kanilang mga anak at asawa, na karaniwang na itinuturing na “walang silbi”, ayon sa panukalang batas na nakahain na ngayon sa Kamara.
Akda ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, sinasabi ng House Bill 8875 na panahon na upang kilalanin ang “makabuluhang ambag ng mga maybahay sa ekonomiya at pagsulong ng bansa”. Pinuna niya na noong Enero 2018, mga 12 milyong Pilipino na ang 11.2 milyon ay mga babae, ang itinuturing na walang trabaho dahil hindi sila sumasahod at nag-aalaga lamang ng kanilang pamilya. Sa bilang nila, 4.168 milyon ang may anak na wala pang 12 taon gulang habang ang 1.790 milyon sa kanila ay kumpirmadong nagdarahop.
Panukala ni Salceda na isang kilalang ekonomista na pasimulang tuunan muna ang mga babaeng may mga anak na mababa pa sa 12 taong gulang at mahirap na dapat bigyan ng buwanang P2,000 sahod hanggang makaahon siya o lampas na sa 12 taon ang anak niya. Sa ilalim ng panukala, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang babalangkas at magpapatupad ng mga alituntunin sa pagkilala sa magiging benepisyaryo nito.
Bilang tugon, dapat magkaroon din ng kita ang mga karaniwang maybahay at kumita ng kahit katumbas lamang ng sahod ng kasambahay, dagdag niya.