Mga medalist ng Baguio mabibiyayaan ng P1.5M

Aabot sa P1.5M ang nakatakdang ipamahagi ng City Government of Baguio sa pamamagitan ng City Sports Office bilang insentibo sa mga atletang nagwagi ng medalya sa Philippine Sports Commission 12th Batang Pinoy National Championships 2019 nitong Agosto 25-31 sa Puerto Princesa, Palawan.

“We are just waiting for the official result and the certificate of achievement from the Philippine Sports Commission which will be the basis for our release of the athlete’s incentives,” sabi Huwebes ni Baguio City Sports Office chief Paul Rillorta.

Tinakda ng Baguio ang nasabing halaga sa ilalim ng sports incentive program, na parte sa taunang budget ng siyudad, at agad na makukuha ng mga batang atleta.

Hinirit ni Rillorta na isang ordinansa ang nagtatakda sa pagbibigay ng pabuya sa mga atleta na kinatawan ang lungsod sa malalaking sports events, tulad ng Batang Pinoy.

Ang insentibo ay umaabot sa P10,000, P5,000, at P3,000 para sa mga nagwagi ng gold, silver at bronze medal na bawat isang atleta.

Ang mga coach ay tatanggap din ng katulad na halaga sa bawat medalya na mapapanalunan ng kanyang atleta bagama’t limitado hanggang sa P20,000.

Iniuwi ng Baguio City ang ikatlong sunod na pangkalahatang kampeonato sa paligsahang para sa mga batang may edad 15 at pababa sa 61-45-70 medals. (Lito Oredo)