Mga milagrosong lugar sa `Pinas

Maraming mga lugar sa Pilipinas ang pinaniniwalaang nagmimilagro o puno ng mga himala. Ang mga lugar na ito ay dinarayo lalo na tuwing Semana Santa. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga ito.

1.MYSTICAL CAVE

Isa sa magagandang tanawin sa Antipolo ang Mystical Cave. Nakakamangha ang mga estalagmita at estalaktita na matatagpuan sa loob ng kuwebang ito. Ang kinang ng mga ito ay kaakit-akit. Gustong gusto itong puntahan ng mga relihiyoso dahil ang mga bato ay bumubuo ng mga imaheng nagmula sa bibliya kabilang na si Hesus. Isa pang dahilan kung bakit ito dinarayo ay dahil sa paniniwalang ang tubig at bato na mula sa kuwebang ito ay may kakayahang makapagpagaling at proteksyon sa kapahamakan.

2.BUNDOK BANAHAW

Marami rin ang nagtutungo sa Bundok Banahaw tuwing semana santa na matatagpuan naman sa Quezon province. Pinaniniwalaan na ang mga tubig na nagmumula sa bukal ng bundok Banahaw ay nakapagpapagaling ng kahit anong karamdaman. Sinasabing marami na ang nakapagpatotoo nito.

3.KAMAY NI HESUS

Isa rin sa mga dinarayo tuwing mahal na araw ang Kamay ni Hesus na matatagpuan naman sa Lucban Quezon. Ang 305 steps ay kailangan mong akyatin upang maabot ang 50ft kung saan nakatayo ang mataas na estatwa ni Kristo.
Sinasabing ang healing mass na ginaganap dito ay napakasolemn at mararamdaman mo na para talagang nakakausap mo si Kristo.

4.OUR LADY OF MANAOAG

Noong 17th century, ang ivory image ay dinala sa Pilipinas ni Padre Juan de San Jacinto mula sa Espanya. Sinasabing isang lalaki ang nagla­lakad pauwi sa kanyang bahay nang makarinig siya ng isang misteryosong boses ng babae. Luminga siya sa paligid at ang tanging nakita niya sa itaas ng puno na tila natatakpan ng mga ulap ay ang apparition ng pinagpalang birheng Maria. Hawak nito sa kanang kamay ang isang rosaryo habang buhat naman sa kaliwang kamay ang sanggol na si Hesus. Ang lalaki ay lumuhod at at ipinagsabi sa lahat ang milagrong kanyang nasaksihan. Sa lugar kung saan nagpa­kita si Mama Mary sa lalaki ay itinayo ang simba­han. (Geraldine Monzon)