Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11199 o Social Security Act of 2019.

Isinabatas ito upang maisalba ang buhay ng Social Security System (SSS) na namumurong mabangkarote pagsapit ng taong 2032 kung walang papasok na karagdagang pondo.

Lumaki ang gastos ng SSS sapul nang aprubahan ang umento sa pensyon noong 2017. Ngayong taon naman isinabatas ang reporma sa SSS. Pero saan ba kukunin ang pondo para mapataas ang pondo ng ahensiya? Siyempre sa mga miyembro din.

Itataas kasi sa 15 percent ang kontribusyon ng mga mi­yembro pagsapit ng taong 2025, mula sa kasalukuyang 11 percent. Ngayong taon sisimulan ang pagpatong ng one percent na dagdag kaya’t 12 percent na ang kakaltasin sa mga miyembro.

Gagawin na ring mandatory ang membership ng mga overseas Filipino worker (OFW). Sa ganitong sistema, tatabo ang SSS ng P144 bilyon mula sa mga tinaguriang ‘Bagong Ba­yani.’ Dati kasi, nasa P4.6 bilyon lang ang nakokolekta sa voluntary contribution ng mga OFW. Isa lang ito sa mga pasa­nin ngayon ng mga OFW dahil pinatawan na rin sila ng mandatory insu­rance sa halagang $144.

In fairness, gumawa din ng hakbang ang mga mambabatas para habulin ang mga delinquent employer.

‘Yun nga lang, may kasamang ayuda. Binibigyan kasi ng kapangyarihan ang Social Security Commission na burahin ang mga delingkuwenteng kontribusyon ng mga miyembro. Ang condonation program ang isa sa mga source ng reve­nue ng SSS. Noong 2009, umabot sa P3.5 bilyon ang nalikom nila mula sa higit 24,000 delinquent employers.

Ginawa din ang pakulong ito noong 1986 at 1987 pero nasa isang bilyong piso lamang ang nahabol nila sa mga delinquent emplo­yers.

Reklamo nga ng ilang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara, parang ginigisa sa sariling mantika ang mga miyembro ng SSS. Sila ang nagpapalaki ng kita. Ang mga executive naman ang nagdedesisyon kung saan ito ipupuhunan. Kapag kumita ang investment, may bonus sila. Kapag nalugi, ilista na lang. Aruy!

Alam nating ang kapakanan lamang ng mga miyembro ang hangad ng mga mambabatas na nagsulong ng panukala. Isa tayo bilang uring manggagawa na umaasa na mapapakinabangan din ito bandang huli kahit na masakit na sa bulsa ang dagdag na kontribusyon.