Karaniwan nang tumataas ang crime rate tuwing Christmas season. Ginagamit itong pagkakataon ng mga kawatan para makapanamantala sa kapwa. Kaya Philippine National Police na ang nagpapaalala, kailangang magdoble-ingat ngayong Kapaskuhan.
Ayon mismo sa PNP, budol-budol, akyat-bahay at salisi ang karaniwang modus ngayong Christmas season.
Dahil alam ng mga masasamang-loob na marami ang nagbabakasyon ngayon, madalas – sinasamantala nila ang pagkakataon para makapanloob.
Importanteng maglagay ng alarm system sa bahay, bukod pa sa mga naka-install na CCTV. May mga cellphone app na rin kung saan puwedeng makita nang live o real time ang nangyayari sa loob at labas ng iyong bahay.
Kung lalabas naman ng bahay, dapat ingatan ang gamit. Iwasan nang magsuot ng mga mamahaling alahas. Huwag ding magarbo sa pananamit para hindi agaw-atensiyon sa mga kriminal.
Mabilis ang mga salisi – kaya dapat laging mapagmatyag at alisto sa paligid.
Hangga’t maaari, huwag ding makipag-usap sa mga hindi kakilala.
Sariwa pa sa isip ko ang segment na ginawa ko noon sa Brigada ng GMA News TV. Patay na nang matagpuan sa may talahiban sa Gen. Trias, Cavite ang isang lola. Sa inisyal na imbestigasyon, nakita pa ang lola sa CCTV nang yayain siya ng grupo ng mga lalaki at babae na nagtanong lang sa kanya sa isang tindahan. Ang lolang biktima, nabudol-budol. Nagawa pa niyang umuwi sa kanilang bahay para kumuha ng mga alahas at pera, alinsunod na rin sa utos ng mga kawatan. Makalipas ang ilang linggo, bangkay na siyang natagpuan.
I-save sa phone book ang mga emergency numbers kabilang ang numero ng pamilya at mga malalapit na kaibigan. Isama rin sa call list ang hotline number ng PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno na puwedeng sumaklolo sakaling magkaroon ng problema.
Ang sa akin lang, hindi lang dapat merry ang Pasko – higit sa lahat, kailangang ligtas tayong lahat sa anumang krimen o sakuna. Dapat laging handa.