Inabisuhan ni Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Joselito T. Esquivel Jr. ang mga motorista na dadaan sa Quezon City Memorial Circle na dumaan sa mga alternatibong ruta upang makaiwas sa gagawing Unity Walk ngayong araw.
Sa isang pahayag, sinabi ni Esquivel na kasabay ng programa ay magkakaroon din ng Inter-Faith Prayer Rally at Peace Covenant Signing para sa midterm election sa Mayo.
Magsisimula ang Unity Walk alas-kuwatro nang umaga na dadaluhan ng mga delegado mula sa iba’t ibang grupo mula sa mga academic institution, tauhan ng mga ahensiya ng gobyerno at mga religious group.
Sarado ang bahagi ng Elliptical Road mula East Avenue hanggang Kalayaan Avenue mula alas-singko nang umaga.
Maaaring kumanan sa East Ave. southbound ang mga motorista at kakaliwa naman sa Matalino Street at Kalayaan Avenue patungo sa Elliptical Road.
Muling magbubukas ang kalsada kapag ang lahat ng mga participant ay nasa loob na ng tatlong inner lane ng Elliptical Road.