Rey T. Sibayan

Mga ka-Misteryo nakapamas­yal na ba kayo sa Calle Crisologo sa Vigan?

Isa sa mga naka-usap ng #TeamMisteryo ang nagsabing nakita niya ang mga multo ng mga Kastila at Pilipino ng mga sinaunang panahon.

‘Yan ang paksa ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin natin ang Totoo!”
Hindi malilimutan ni Kristel ng Pangasinan nang minsan namasyal sila sa Heritage Village sa Vigan City.

Masaya nilang binaybay ang kahabaan ng Calle Crisologo mula hapon hanggang sa inabot sila nang gabi.

Nagutom silang mag-boyfriend kaya’t sandali muna silang kumain ng hapunan ng ilocano favorites — pinakbet at bagnet.

Pagkatapos kumain ay muli silang naglakad hanggang sa ina­bot sila ng alas-9:00 nang gabi nang may mapansin si Kristel… naiiba ang damit ng mga kasalubong nila gayundin ang kapaligiran… na tila nagbabalik sa panahon ng kastila.

Napahigpit ng kapit sa bisig ng kanyang boyfriend si Kristel at natatakot siya.

Bakas sa mukha ni Kristel ang pagkamangha at takot nang ikuwento niya sa #TeamMisteryo ang kanyang karanasan.

Team Misteryo: “Anong hitsura ng mga nakita mong kasalubong habang naglalakad kayo?”

Kristel: “Mga mahahaba ang damit ng babae hanggang leeg at merong mga magagandang sumbrero. Habang ang mga lalaki ay parang kasuotan ni Dr. Jose Rizal at ng mga bayani natin.”

Team Misteryo: “Bakit ka naman takot eh ‘di ba magandang tsansa ‘yung nakikita mo ang kasaysayan ng lugar?”

Kristel: “Takot po ako kasi iba hitsura nila hindi sa kasuotan lang kundi hindi ko makita mga mukha nila parang nalilipad ng hangin.”

Team Misteryo: “Oo ganyan nga mga multo, hindi mo makikita mukha nila. Si boyfriend nakita rin ba niya?”

Kristel: “Sinabi ko sa kanya. Para sa kanya malakas na pakiramdam lang at naaaninag lang niya ang nakikita ko hindi malinaw sa kanyang paningin.”
Team Misteryo: “Anong sunod na ginawa niyo?”

Kristel: “Binilisan po namin ang paglalakad pabalik sa Hotel nahihirapan akong makahinga at parang parami ang mga mult­o habang lumalalim ang gabi.”
Marahil ay hindi ito lantarang nababanggit ng mga bumibisita sa lugar at iilan lamang ang clairvoyant na nakakakita sa mga multo ng panahon ng kastila.

Ngunit sa kuwentong karanasan ni Kristel ay hindi naman niya nabanggit kung tinakot sila o hinabol sila ng mga multo. Pakiwari ko hindi lahat ng nakita niya ay mga kaluluwang gumagala kundi mga enerhiya na nakadikit na sa bawat sulok ng Calle Crisologo.

Para sa akin Hindi dapat katakutan ang lugar, ang karanasan ni Kristel ay patunay na nagmimistulang buhay ang lugar at parang dinadala ang mga bisita sa sinaunang panahon ng mga Kastila.

Para sa inyong mga karanasang kababalaghan o misteryo mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang websites: www.reytsibayan.com at abante.com.ph.