Sinamantala lamang ng mga dating opisyal ang pagdalo sa mga kumperensiya sa Climate Change sa ibang bansa dahil wala namang nagawa ang mga ito sa mga dumating na kalamidad sa bansa.
Ito ang himutok ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos makita ang lawak ng pinsalang iniwan ng bagyong Usman sa Bicol region.
Sinabi ng Pangulo na walang nangyari sa biyahe ng nga dating opisyal dahil hindi natigil ang pagbibilang ng mga awtoridad ng mga casualty sa mga naganap na landslide at pagbaha sa bansa.
“We’ve been sending so many people. That is why I fired also so many people for attending climate change sa South Africa, Tokyo, Canada, Ottawa…twenty one travels, sabi ko climate change and we are at the losing end of the shit. Sige pa rin patay. Sige pa rin collapse,” anang Pangulo.
Wala aniyang naging input sa gobyerno at sa publiko ang mga dating opisyal sa pagdalo sa mga international conference patungkol sa climate change at lumilitaw na namasyal lamang ang mga ito.
Dahil dito sinabi ng Pangulo na mas mainam na mag-isip ang gobyerno ng mga paraan para sa kaligtasan ng mamamayan tuwing may sakuna o bagyo kaysa makinig sa paandar ng mga taga-Europe.
Matatandaang maraming sinibak ang Pangulo na mga opisyal mula sa Climate Change Commission at lahat ng opisyal ng Presidential Commission for the Urban Poor dahil sa panay-panay na biyahe sa ibang bansa gamit ang pera ng taumbayan. (Aileen Taliping)