Mga nagpabenta ng China flag sa Luneta hinahanting na

Pinaghahanap na ngayon ng Manila Police District (MPD) ang tatlong lalaki na nagbigay umano ng pera sa mga vendor sa Luneta para magtinda ng watawat ng China.

Nag-viral sa social media ang naturang insidente kung saan nakita ang mga vendor na nagbebenta ng China flag.

Nabatid kay National Parks Development Committee (NPDC) Director Penelope Belmonte, nakilala ang tatlong lalaki sa pamamagitan ng CCTV na nakakabit sa Luneta.

Sa pag-iimbestiga ni Belmonte sa mga vendor, sinabi umano ng mga naturang lalaki na kukunan sila ng video habang nagtitinda ng watawat ng China at magpapanggap naman ang isang vendor na bibili.

Sinabi umano ng mga naturang lalaki na gagamitin ang video sa school project ng kanilang anak.

Binigyan umano ng mga ito ng tig-P100 ang mga babae at batang vendor para magbenta ng China flag sa harap ng monumento ni Rizal at sa sandaling matapos ang video ay kukunin muli ang mga watawat sa kanila.

Naniniwala si Belmonte na ang insidente ay isang pagtatangka para insultuhin ang ginagawang paghahanda ng NPDC para sa selebras­yon ng Independence Day bukas, Hunyo 12.

“Dun sa tatlong may pakana nito, mahiya kayo. Isasakripisyo n’yo pang makulong ang mga binayaran ninyo ng tig-P100. Papanagutin namin kayo,” babala ni Belmonte.

Nabatid na sinuri na ng MPD ang viral video para matukoy ang mga nasa likod ng insidente na maaari umanong makasuhan sa kanilang ginawa. (Juliet de ­Loza-Cudia)