Mga nagpapatakbo ng online bingo arestuhin — PCSO

Nilinaw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na wala silang inaprubahang online bingo matapos makatanggap ng anonymous complaint hinggil dito.

“Wala pong larong ina-approve ang PCSO na bingo online,” sabi ni PCSO general manager Royina Marzan-Garma sa isang press briefing sa kanilang tanggapan sa Mandaluyong City nitong Miyerkoles.

Batay umano sa sumbong na nakarating sa kanila mula sa nagreklamo na hindi pinangalanan ni Garma, inaprubahan diumano ng PCSO ang operasyon ng online bingo.

Sinabi pa umano nito na suportado ng Unang Pamilya ang operasyon ng online bingo.

“I have warned kung sinomang tao ‘yun, I have your identity already. Evidence na lang kulang,” ani Garma.

Kasabay nito, nanawagan si Garma sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation (NBI) para arestuhin ang mga tao sa likod ng mga ganitong illegal gambling operation.

Hiniling din ni Garma sa publiko na huwag tangkilikin ang mga iligal na sugal para masigurado na pumapasok ang kita sa gobyerno. (PNA)