Mga nagtatapon ng dumi sa Manila Bay tuloy ang negosyo

Business as usual pa rin ang mga establisim­yento na inisyuhan ng cease and desist order (CDO) ng Department of the Interior and Local Government (DENR) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) dahil sa pagtatapon ng dumi sa Manila Bay.

Ayon kay DENR Undersecretary Benny Antiporda, maaari pa rin magpatuloy sa kanilang negosyo ang mga establisimyento dahil ang CDO ay hindi nanga­ngahulugan ng agarang pagpapasara sa mga ito at mayroon pa umanong due process na susundin sa implementasyon ng kanilang kautusan.

Gayunman, babantayan umano ng DENR ang mga establisimyentong ito kung saan at paano nila itinatapon ang kanilang waste water at kung paano gumagana ang kanilang septic tank ngayong isi­nara ng kagawaran ang waste water facility ng mga ito.

Ipinasa na rin ng DENR sa mga local go­vernment unit na nakakasakop sa mga establisimyentong binigyan nila ng CDO ang pagpapatupad ng closure order sa mga non-compliant sa mga environmental law.

Samantala, sa isang pahayag na inilabas ng SM Group, tiniyak nito na magsasagawa sila ng ‘corrective measure’ at susunod sa limang araw na grace period ng DENR matapos tukuyin ang ilan sa kanilang mga establisimyento na lumalabag sa mga environmental law.

Tiniyak ng SM na makikipagpulong sila sa LLDA para ipabatid ang mga ginawa nilang corrective measures.

Bukod sa ilang establisimyento ng SM, kabilang din sa mga binigyan ng CDO ay ang Aristocrat Restaurant at Gloria Maris Restaurant.
Binigyan din ng notice of violation ang Aliw Inn, at Lola Taba Pato Seaside.

Wala pang pahayag ang mga nasabing establisimyento ukol sa kautusan sa kanila.