Balak ng Bureau of Customs (BOC) na isubasta ang mga overstaying na container van na nakatengga sa Manila International Container Terminal (MICT).

Nalaman na may 400 container van na ang nasuri para matukoy kung isusubasta o kailangan nang itapon ang mga laman alinsunod sa batas.

Layunin ng nasabing hakbang ng MICT Customs House Management na mapaluwag ang mga espasyo na pag­lalagyan ng mga container van.

“Through the expedited inspection of overstaying containers, MICP can dispose and auction off shipments faster,” ayon kay District Collector Atty. Erastus Sandino B. Austria.

Nabatid na para mapadali ang pagsusuri sa mga overstaying container van ay nakipag-ugnayan ang MICT sa International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) upang magkaroon ng sapat na slot sa pagsasagawa ng regular examination schedule.

Maglalagay din ang MICT ng karagdagang tauhan sa Auction and Cargo Disposal Division sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga exami­ner mula sa Formal Entry Division na siyang mag-iinspeksyon sa mga nakatenggang container.

Ang nasabing bilang ng mga nasuri ay mula sa 1,100 container van na nakatengga sa MITC.

Inaasahang matatapos ang pagsusuri sa mga natitira pang container van sa loob ng halos dalawang buwan. (Juliet de Loza-Cudia)