Dalawampu pang mga politiko na karamihan ay mga gobernador at sinasabing sangkot o nagbibigay ng proteksyon sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa ang mino-monitor ng mga awtoridad.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya, initial list pa lamang ang unang inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
Aniya, kabilang sa inaasahang madaragdag sa narco-list ay mga gobernador.
“Ito po, gaya po nang sinabi natin, ay initial list pa lamang. Meron pa po itong kasunod na criminal charges naman. Tuloy-tuloy naman po ang balidasyon natin sa mga impormasyon at imbestigasyon para naman po makapagsampa tayo ng criminal charges,” ani Malaya sa isang panayam.
Tiniyak ni Malaya na balak din nilang sampahan ng kaukulang kasong kriminal ang mga politikong kasama sa narco-list.
Hindi pa naman makapagbigay ng petsa si Malaya kung kailan maisasampa ang mga kasong kriminal dahil kinakailangan aniyang pulido at matibay ang mga ihahain nilang ebidensiya.
Samantala, naniniwala si Senador Grace Poe na alam ni Pangulong Duterte ang patutunguhan ng paglalabas nito ng listahan ng mga politikong sangkot umano sa iligal na droga.
“Ang Pangulo ay abogado, siguro alam niya ang ginagawa niya,” sabi ni Poe.
Ang mahalaga aniya ay ang agarang pagsasampa ng kasong administratibo sa sandaling mapatunayan ang akusasyon laban sa mga narco-politician.
“Basta ang importante ay ito, mag-file ng kaso at sagutin nila sa korte. At least nalabas na ‘yan, eh kung fake naman pala silang ano, eh ‘di mapatunayan sa korte ‘di ba,” dagdag ni Poe.
Hinimok pa ni Poe ang mga nasa narco-list na depensahan ang kanilang sarili kung hindi totoo ang mga akusasyon laban sa kanila. (Dolly Cabreza/Lorraine Gamo)