Hahayaan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na ang mga botanteng Pilipino ang magpasya kung kanilang iluluklok sa puwesto o ibabasura ang mga politiko na kabilang sa inilabas na narco-list ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Sa ambush interview sa alkalde sa Catarman, Northern Samar, sinabi nito na personal na desisyon ng bawat botante ang pagboto na batay sa kanilang pananaw at pagsusuri.

“I believe that ang pagboto is a personal decision ng voter based sa assessment niya sa kandidato and based on perception niya kasi perso­nal nga ‘yung pagboto natin,” ani Mayor Duterte.

“Iiwan na natin sa mga botante ‘yung decision nila (whether to vote or not doon sa mga kasali narco-list),” dagdag ng alkalde.

Sinabi pa nito na hindi siya humingi ng kopya ng third batch ng narco-list ng Pangulo dahil hindi naman anya mapapawalang-bisa ang kandidatura ng mga kasama sa listahan.

“Bahala na ang mga botante kung ang desis­yon nila is to vote or not to vote basta ang ginawa ng ating Presidente ay ipinakita sa kanila ang listahan ng mga tao na napasok sa narcolist at validated sa narcolist,” ani Mayor Duterte. (JC Cahinhinan)