Mga NBA player damay sa nabawasan ng sahod

Hindi nalalayo ang ilang NBA players sa milyong tao na biglang nabawasan ang kita, kundi man tuluyang nawalan, nang lumala ang coronavirus disease 2019 at natigil ang trabaho.

Sa kaso ng mga taga-NBA, tigil ang mga laro.

Milyong dolyar ang pinirmahang kontrata ng players, milyon din ang nakatakda nilang tanggapin taun-taon.

Pero may players – ‘yung mga nasa ibaba ng rosters – na ‘di hamak na mas mababa ang kinikita.

At dahil suspendido na ang season, ramdam din nila ang epekto. Sila ang players na malapit sa paycheck-to-paycheck ang kabuhayan dahil sa COVID-19. Tulad ng marami sa atin, pinagkakasya ang paycheck ngayon para umabot hanggang sa susunod na suweldo.

“I would say out of 450 players … 150 probably are living paycheck-to-paycheck,” estimate ni Portland Trail Blazers guard CJ McCollum nang makausap ni Jay Williams sa The Boardroom.

Pumirma si McCollum ng $100M extension sa Blazers noong July.

Tatanggap sana siya ng $27.5 million ngayong season, pero mababawasan ‘yun dahil sa suspension ng mga laro.

Nag-donate siya ng $170,000 sa mga organisasyon sa Portland at sa Canton, Ohio para sa COVID-19 relief. (VE)