Mga NBA player kaltas 25% sa suweldo

Simula sa akinse ng buwan ng ito mababawasan na ng 25% ang suweldo ng mga player sa NBA.

May force majeure na bahagi kasi sa Collective Bargaining Agreement (CBA) ng NBA Players Association at NBA na ipapatupad na ito ng liga.

Ibig sabihin ng force majeure ay mga hindi inaasahaang pangyayari sa mundo — mga act of God din minsan ang tawag sa iba — na magpapatigil ng liga at kabilang dito ang kasalukuyang Covid-19 crisis na bumabalot ngayon sa mundo at nagsuspinde sa NBA sa kasalukuyan na nagsimula noong nakaraang March 12 pagkatapos hindi natuloy ang laro ng Utah Jazz at Oklahoma City Thunder ng nakaraang araw nang mapag-alamang positive pala sa coronavirus si Rudy Gobert.

Maraming iba pang players ang napag-alamang positive din sa buong liga pagkatapos noon pati mga team personnel. Pero lahat naman ay nakarecover na at wala namang namatay.

Bagamat suspendido ang mga laro, patuloy pa ring nagpasuweldo ng buo ang lahat ng NBA teams simula noon hanggang buong buwan ng Abril pero simula ngayong Mayo ay hindi.

Siyempre dahil hindi naman na kumikita ang NBA dahil sa suspension at walang panustos sa naglalakihang pasuweldo sa players, coaches at iba pang staffs kaya naisipan na ng liga na ipatupad na ang force majeure na bahagi ng CBA at bawas gastos na.

Hindi ko lang alam kung hanggang magkano ang maaaring ibawas ng NBA teams sa mga suweldo ng mga players na may kontrata at kung hanggang kailan.

Pero lahat iyan ay nasa CBA at nasa mga kontrata ng player.

Dito sa ating bansa, walang katumbas na CBA sa PBA at malamang ay maging sa MPBL. May kontrata ang mga player pero walang CBA dahil sa simpleng dahilang wala namang unyon ang mga player sa nasabing mga liga.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagpapasuweldo ng buo sa PBA sa lahat ng mga may buwanang suweldo nito, player man o hindi. Ina-assume natin na ganun din ang nangyayari sa MPBL.

May ilang mga prangkisa na mahahaba ang pisi sa pagpapasuweldo ng buo sa kanilang mga team personnel. Pero hindi lahat.

Paano kung tumagal pa ang Covid-19 pandemic at makansela na ang season ng PBA halimbawa? Patuloy pa rin bang susuweldo ng buo ang mga player? Mangyayari din kaya ang pagbawas ng suweldo ng tulad sa NBA?

Dahil walang CBA, ano ang magiging karapatan ng players o anong batas ang masusunod tungkol dito?

Kung tama ako, may force majeure na probisyon din para sa iba’t-ibang mga kontrata sa Pilipinas ayon sa Civil Code of the Philippines.

Baka may nakasaad na nga sa batas ng “Bayanahian to Heal as One,” o Republic Act No. 11469, tungkol dito.

May malasakit naman ang nagpapasuweldo sa kapanahunang ito. Pero baka kinakailangan na ring makipag-alam ang mga player sa kani-kanilang mga ahente, manager o mga kaibigang abogado para malaman kung anu-ano ang kanilang mga karapatan at hinaharap kung lalo pang magtagal ang krisis na ito.

Siyempre mabuti na rin yung may alam sila.