Mga NCR mayor naduwag! ECQ extension pinasa sa IATF

Nagpulong na uli ang mga alkalde sa Metro Manila kung saan pinag-usapan ang enhanced community quarantine na pinatutupad sa National Capital Region (NCR) at nagkasundo na ipaubaya na lamang sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pagpapasya hinggil dito.

Base sa press statement ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na inilabas Sabado ng hapon, nagrekomenda ang Metro Manila Council (MMC) ng tatlong opsyon sa IATF.

Ang MMC ay nagsisilbing governing at policy-making body ng MMDA na binubuo ng mga alkalde mula sa 16 siyudad at isang bayan sa Metro Manila.

Kabilang sa tatlong rekomendasyon ng MMC ay palawigin pa ang ECQ sa loob ng dalawang linggo; mula sa ECQ ay ilagay na sa general community quarantine ang Metro Manila; at modified community quarantine o kombinasyon ng ECQ at GCQ partikular sa mga lugar na magkakalapit.

Ihahain umano ang mga nabanggit na rekomendasyon at mga scenario sa IATF at ipauubaya na lamang sa national government ang pagpapasya kung ano ang nararapat na gawin sa Metro Manila.

“We will respect the wisdom of the IATF to decide. We and the Metro Manila mayors shall follow and be ready,” base sa pahayag ng MMDA.

Ayon sa ahensya, walang perpektong solusyon at kinakailangang ibalanse ang mga isyung pang-ekonomiya at kalusugan.

Nabatid na pinamunuan ni MMDA Chairman Danilo Lim ang teleconference meeting ng mga alkalde.