Mga netizen nainis sa pa-welcome ng Phisgoc

Binatikos ng mga netizen ang paraan ng pag-welcome sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 para sa mga atletang sasabak sa 30th SEA Games (SEAG) kung saan host ang Pilipinas.

Sa kumalat na litrato sa social media Biyernes, isang table standee lang na may nakasulat na: “Welcome SEA Games athletes” ang mabubungaran ng mga dadalo sa SEAG, wala nang isang buwan ang nalalabi bago ang pagbubukas ng nito sa Nobyembre 30.

Sabi ni Jaemuyc, @theycallmejae, “Wow! Andami niyong budget for junket trips pero a welcoming committee for SEA Games athletes, MS Word and ink lang ang kaya? Nakakahiya!”

“Kaya hindi na talaga ako magtataka kung matatagalan nanaman bago mag host ulit ang Pilipinas. Buti sana kung ito lang kaso hindi, 1 month na lang pero yung ibang pagdadausan ng events under construction pa rin. Ano na??,” banat ni Kyla Rivera, @Dawn_tless,

Kamakailan lang siniguro pa ni House Speaker at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee chair Alan Peter Cayetano na magiging maayos ang pag-host ng bansa para sa nalalapit na 11-nation, 12-day biennial sportsfest.

Gayunman, lumutang ang iba’t ibang suliranin hinggil dito kabilang ang hindi pa natatapos na konstruksyon sa ilang pagdadausan ng mga laro at paghahabla pa ng isang higanteng IT company ATOS kontra sa PHISGOC dahil diumano sa maanomalyang bidding. (Issa Santiago)