Mga NPA kumita ng ₱200M sa mga kandidato sa 2019 election — DILG

Umabot sa P200 milyon ‘extortion money’ ang umano’y nalikom ng mga rebeldeng komunistang New People’s Army (NPA) mula sa mga kandidatong tumatakbo ngayong May 13 midterm elections, batay sa pagtaya ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Sinabi ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, ang pagbibi­gay ng pera ng mga kandidato ay sinasabing ‘permits to campaign’ ng NPA, partikular sa Bicol region, gayundin sa Ilocos Region, Southern Tagalog, Eas­tern Visayas, Northern Mindanao, at maging sa Davao Region.

Aniya, magkakaiba ang halaga na ibinibigay ng kandidato sa mga rebelde, depende sa tatakbuhang posisyon ng mga ito, gayundin sa negosasyon nila.

Ang mga local candidate aniya ay nagbabayad ng libo-libong piso habang milyon-milyon naman ang ibi­nabayad kung national position ang kanilang tinatakbuhan.

Una nang inatasan ni Interior Secretary Eduardo Año ang Phi­lippine National Police (PNP) na i-monitor at magsagawa ng ‘case buildup’ ngayong nalalapit na halalan laban sa mga naturang kandidatong ‘sumusuporta’ sa NPA at nagbibigay ng extortion money sa mga rebelde.

Sa ngayon umano ay 327 politiko ang kasama sa watch list ng departamento, kabilang dito ang 11 gobernador, limang bise gobernador, 10 provincial board member, 55 mayor, 21 vice ma­yor, 41 councilor, 126 barangay captain, 50 barangay councilor, at walong iba pang opisyal ng barangay.