Mga OFW galing China ikukulong sa isla

Pinag-iisipang dalhin muna sa isang isla sa Manila Bay at isang drug rehabilitation center sa Nueva Ecija ang mga overseas Filipino worker (OFW) na uuwi galing China.

Ito ang inihayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kung saan tinitingnan aniya ng Department of Health (DOH) ang dalawang military facility – naval station sa Caballo Island sa Mnaila Bay at drug rehabilitation center sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija – para gamiting quarantine area sa mga OFW sa China na nakatakdang umuwi sa bansa matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) bilang global emergency na ang novel coronavirus (nCoV) na nagsimula sa Wuhan City.

“Department of Health officials visited the naval station on Caballo Island in Manila Bay and will vi­sit the drug rehabilitation center in Fort Magsaysay in Nueva Ecija,” ayon kay Lorenzana.

Samantala, nakahanda umano ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na tumulong sa paglilipat ng mga pasyenteng isasailalim sa quarantine upang maiwasan ang pagkalat ng nCoV sa bansa.

Ayon kay PNP Director General Archie Gamboa, hinihintay pa nila ang action plan ng pamahalaan para makatulong at nakahanda na ang kanilang mga sasakyan na magagamit sa paglipat sa mga nCov suspected patient na dadalhin sa quarantine area.

“Basically, tutulong kami probably na dalahin ‘yung mga affected sa quarantine but we have to follow certain procedures and protocols,” ani Gamboa.

Siniguro ni Gamboa na ang mga ide-deploy na pulis ay nakasuot ng protective gear laban sa nCoV.

Hindi ito ang unang pagkakataon na ginawang quarantine area ang Caballo Island.

Noong 2014, sa ilalim ng administrasyon ni da­ting Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ay dinala muna sa Caballo Island ang 132 Filipino peacekeeper na galing Liberia kung saan nagkaroon ng Ebo­la outbreak.

Pinaliwanag noon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Gregorio Catapang Jr. na ginawa ito bilang precautionary measure upang matiyak na hindi kakalat sa bansa ang Ebola.

Pinauwi rin sa kanilang mga pamilya ang mga sundalong nagsilbing peacekeeper ng United Nations sa Liberia matapos ideklarang ligtas sila sa Ebola.

Samantala, nanawagan naman si Senador Panfilo Lacson sa gobyerno na ipatupad na ang travel ban sa mga Chinese upang maiwasan ang pagkalat ng nCoV.

“If most countries can impose a temporary travel ban on Chinese visitors and those who have recently travelled to China, why can’t we do the same? It is the safety of our own citizens that should come first. Simple enough,” tweet ni Lacson kagabi. (Vick Aquino)