Mga OFW patuloy na ginagatasan sa terminal fee ng Cebu Pacific

Tinukuran ng mga kongresista mula sa hanay ng minorya ang panggigigil ni House Speaker Pantaleon Alvarez na papanagutin ang Cebu Pacific at iba pang pasaway na airlines.

Ilan sa mga isyu ay ang hindi paggamit ng tube o passenger bridge ng airline para makati­pid at ang hindi pagre-refund nang hindi naman napakinabangan o nagamit na terminal fees ng mga pasahero.

“On my part as the leader of the minority, we share his concern o some practices of this airline na talaga namang sobrang tipid to the detriment of the passengers,” pahayag ni House Minority Leader Danilo Suarez.

Kawawa naman aniya ang mga pasahero sa diskarte na ito ng Cebu Pacific na pag-aari ng pamilyang Gokongwei.

Ayon naman kay ACTS OFW Paty-list Rep. Aniceto “John” Bertiz III, hindi na bago ang isyu sa paniningil ng terminal fee.

Umabot na aniya sa korte ang usapin patungkol dito pero patuloy pa rin ang paniningil ng terminal fee sa mga kababayan lalo na sa mga overseas Filipino worker (OFW).

“Actually, ‘yung terminal fee, way back 2014 pa we already file a case in Pasay (court) against the former (Manila International Airport Authority) general manager (Jose Angel) Honrado because of the charging of terminal fees to our OFW. ‘Yung tinatawag na airport terminal integration fee or integrated daw terminal fee which nakasakay na ‘yung terminal fee na P550 sa mga airline ticket. Which is napakalinaw naman sa Republic Act 8042 which was amended under Republic Act 10022 that all OFWs are exempted for paying travel taxes…and terminal fees. What happen ini-announced ni (Department of Transportation) Secretary (Arthur) Tugade I think two years ago nung umupo sila na ititigil na nila ‘yung paniningil ng terminal fee. Pero hanggang ngayon kasi tsina-charge pa rin ‘yun at nakikita nyo pa rin ‘yung napakahabang pila sa mga airport,” paliwanag ni Bertiz.

Bilyon-bilyong ha­laga ng terminal fee na aniya ang nakolekta pero hindi naman ito naibalik sa mga OFW kahit pa inanunsyo na ng pinuno ng DOTr na ipatitigil na ang pangongolekta nito.

“So, walang nangyari. Ang tanong namin dito, ilang bilyon na ‘yan na kinolekta sa mga OFW and most of the OFW dahil nga nagmamadali hindi na nila na-refund,” salaysay ni Bertiz. (Aries Cano)