Isang bagong batas ngayon ang isinusulong upang maprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa Canada mula sa mga pang-aabuso.
Sa ipinarating na ulat kay Labor Secretary Silvestre Bello III, mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Vancouver ang panukalang lehislasyon, isang registry of employers and recruiters ng mga temporary foreign worker sa Canada na binubuo ng mga OFW ang itatatag.
“The establishment of a registry, as provided for in the proposed Temporary Foreign Workers Protection Act, or Bill 48-2018, aims to safeguard temporary foreign workers from abuse committed against them by their employer or recruiter,” ayon sa ulat ng POLO kay Bello.
Sa ilalim ng panukala, ang registration process ng mga employer at mga recruiter ng mga manggagawa ay libre at magagamit online.
Gayundin, ang isang employer o recruiter, na lalabag sa kanilang mga obligasyon ay mahaharap sa pagpapawalang bisa ng lisensya at pagkabilanggo sa loob ng isang taon.
Unang inihayag ni Canadian Labor Minister Harry Bains na ang panukalang batas ay isinumite para sa unang pagbasa sa British Columbia Legislature.
Ang mga konsultasyon sa lahat ng mga stakeholder ay inaasahang gagawin at ang POLO-Vancouver ay imbitado upang aktibong makibahagi sa paggawa ng mga patakaran at patnubay para sa pagpapatupad ng batas.