Hindi dapat matakot ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa Libya na boluntaryong lumapit sa Department of Foreign Affairs (DFA) para makauwi ng Pilipinas.

Ito ang iginiit ng reeleksyonistang Senador Sonny Angara kasunod nang patuloy na pagtaas ng tensiyon sa Libya.

Ayon kay Angara, hindi dapat mabahala ang overseas filipino workers (OFWs) na magbalik bansa dahil nakahanda na aniya ang reintegration program ng gobyerno para sa kanila.
“Huwag sanang mag-alinlangan ang ating kababayang OFWs dahil may mga programa ang gobyerno para sa kanila. Ang benepisyong ito ay nanggaling mismo sa kanilang bulsa kaya marapat lamang na sila ay makinabang dito lalo na sa panahong kailangan nila ng tulong,” pahayag ng senador.
Batay anya sa Republic Act No. 10801 o ang OWWA Act of 2016, pagkakalooban nito ng iba’t-ibang serbisyo at benepisyo ang OFW mula sa $25 membership fee na kinokoleta sa kanila kada dalawang taon.
Bukod pa rito, sinabi ni Angara na naglaan din ang Senado ng karagdagang P100 million para sa emergency repatriation program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng 2019 national budget.
“The additional funding would provide the department a standby fund for the repatriation of distressed OFWs in cases of outbreaks or crisis in their host countries,” sabi ni Angara. (Anne Lorraine Gamo)