Mga OFW sa Middle East delikado sa sigalot ng US, Iran

Marami-raming mga Pinoy worker ang posibleng maapektuhan sakaling magpatuloy ang hidwaan ng America at Iran.

Sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), nasa 1.2 milyon ang mga overseas Filipino worker na nakakalat sa mga bansa sa Middle East katulad ng Saudi Arabia at marami pang iba.

Kaya sakaling tuluyang sumiklab ang kaguluhan sa US at Iran, tiyak na damay-damay na ang drama ng mga OFW.

Kaya ngayon pa lamang ay umaapela na ng tulong sa gobyerno na ihanda na ang repatriation ng mga naiipit na OFW sa Iran upang hindi na madamay.

Huwag na sanang hintaying lumala pa ang sitwasyon bago iuwi ang mga kababayan nating nagtatrababo sa mga bansa sa Middle East lalo na sa Iran.

Sang-ayon tayo sa maagap na panga­ngalampag ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para kumilos at iuwi na ng bansa ang mahigit isang milyong mga Pinoy worker.

Sa mga kababayan naman nating OFW, huwag na tayong makipagmatigasan, sumunod na tayo sa anumang utos ng ating embahada sa inyong mga nasasakupan para masiguro ang inyong kaligtasan.

Nauunawaan natin ang inyong concern sakaling magdesisyon kayong bumalik ng bansa at mawalan ng hanapbuhay pero aanhin naman natin ang malaking sahod kung ang isa ninyong paa ay nasa hukay dahil sa tumitinding hidwaan ng US at Iran?

Nangako na rin ang Department of Fo­reign Affairs na magpapadala ng rapid response team sa Iraq na tamang aksyon ng pamahalaan.