Hindi inaalintana ng ilang overseas Filipino worker (OFW) ang paglaganap ng kinatatakutan at nakamamatay na 2019 novel coronavirus (nCoV) at mas nais nilang manatili sa Wuhan, China.
Bagama’t pinauuwi na sila ng gobyerno ng Pilipinas, mas pinili pa ng ilang OFW na matira sa Wuhan, kaysa maging nCoV carrier sa bansa.
Samantala, nasa 50 Pinoy naman ang nakatakdang umuwi ng ‘Pinas at sasailalim sa 14 araw na quarantine pagdating sa bansa. Gayunman, hindi pa matiyak kung saan dadalhin ang mga papauwing Pinoy.
Nabatid sa panayam ng DZMM sa isang OFW na nakilalang si Dhel Tanaga, sinabi niya na maging ang ibang mga kapwa OFW niya doon ay mas pinili na ring manatili sa Wuhan.
“Sa’kin po mas maganda po ‘yung hindi muna kami uuwi ng Pilipinas kasi hindi namin po alam kung may virus na kaming dala sa katawan so ayaw ko pong umuwi ng Pilipinas na magdadala ako ng virus,” ani Dhel.
“Ayaw din po nila kasi ayaw nilang magdala ng virus kasi napakalapit po namin dito sa pinanggalingan ng virus,” dagdag pa nito.
Giit ni Dhel, okay naman daw silang mga Pilipino doon sa Wuhan at wala pang may coronavirus sa kanila.
Tiniyak naman ng gobyerno na bibigyan ng tulong ang mga OFW na apektado ng temporary travel ban sa China, Hong Kong at Macau na dineklarang apektado ng 2019 nCov. (Dolly Cabreza Mina Aquino)