Mga OFW unahin bago Chinese sa COVID test – Hontiveros

Dapat umanong unahin ang kapakanan ang mga overseseas Filipino worker (OFW) at hindi ang mga Chinese national na nagtatrabaho sa bansa .

Ito ang inihayag ni Senadora Risa Hontiveros sa likod ng ulat na nauna pa ang mga Chinese national na makuha ang COVID-19 test results bago ang mga OFW.

“4 days lang nakuha agad ng mga Chinese workers sa Fontana ang COVID-19 results nila; habang marami sa mga OFWs natin ay mahigit isang buwan naka-quarantine dahil wala pa ang sa kanila,” sabi ni Hontiveros.

“Hindi tama ito. Hindi tayo 2nd-class citizens sa sarili nating bansa,” dagdag pa ng mambabatas.

Kasabay nito, nanawagan si Hontiveros sa concerned government agencies na ayusin ang bottleneck sa resulta ng COVID-19 test para makauwi na sa kanila-kanilang mahal sa mga buhay ang mga OFWs na ilang linggo nang naka-quarantine sa iba’t ibang pasilidad sa Metro Manila.

“I call on OWWA, PCG, & DOH: ayusin natin ang bottlenecks nang mapabilis ang pagpapauwi ng mga OFWs. Siguraduhin nating walang nakakalusot na VIP treatment,” pahayag ni Hontiveros.

“This is not how we welcome OFWs back home. Let’s address these backlogs so that we can send them back to their loved ones,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)