Mga Olympian maaga sa Japan

Hindi sasayangin ng delegasyon ng Pilipinas ang lahat ng pagkakataon at pinaghirapan ng mga qualified athlete mula sa hindi inaasahang insidente at situwasyon dahil sa coronavirus outbreak sa pagtungo ng mas maaga sa 2020 Olympics sa Tokyo, Japan.

Inaprubahan ng PSC Board ang pag-alis ng delegasyon nang mas maaga dahil sa qua­rantine requirements bago ang pagsasagawa ng mga aktibidad sa quadrennial sportsfest na susulong sa Hulyo 24-Agosto 9.

Magtutungo ang de­legasyon ng Pilipinas sa Land of the Rising Sun dalawang linggo o mas maaga pa sa Tokyo kung kinakailangan upang agad na makaiwas sa posibilidad ng disqualification at makapasa sa quarantine at health check requirements dahil sa panganib ng COVID-19.

Sinabi ito nina Team Pilipinas Chef de Mission to the 2020 Tokyo Olympics Mariano Araneta, Philippine Olympic Committee Secretary General Edwin Gastanes at PSAC Chief of Staff at Philippine Sports Institute national training director Marc Edward Velasco kahapon nang umaga, Martes sa press briefing sa PSC office sa Malate, Manila.

Nagbigay sina Gastanes at Araneta ng update sa qualification tournament ng mga atleta kahit na mara­ming mga qualifying event ang nakakansela dahil sa paglaganap ng mapanganib na sakit mula sa China.

Ang mga Olympic-bound athlete ay inaasahang mamalagi sa Japan, dalawang linggo bago magbukas ang 2020 Summer Games.

“Walang official cancellation, walang official postponement, so we’re preparing as if it will go on as planned,” sabi ni Araneta, kung saan patuloy ang pakikipag-usap nito sa mga national sports association sa kanilang paghahanda.

“We had a discussion concerning the Olympic athletes who qualified.The (PSC) Board’s consensus is we might send them two weeks ahead of their planned qualification tournament just to ensure that we are doing our quarantine procedure,” ani Velasco.

Optimistiko si Araneta na kahit mahirap ang dinaraanan ng mga atleta sa qualification process makakapasok sila Olympics.

“Ang concern ko actually is that, kahapon kasi, ‘di ba sa dyaryo, ‘yong Philippines may travel ban, ‘yong ibang countries may travel ban coming from the Philippines. Sa ngayon two countries pa lang ‘yan, Kuwait at Qatar, baka pati ‘yong ibang countries pa in which we have a qualifying event,” wakas ni Araneta. (Lito Oredo)