Mga online sale promo dinagsa ng reklamo

Pinag-iingat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko sa mga online shopping platform matapos dumagsa ang mga natatanggap nilang reklamo laban sa mga abusadong seller.

Ito ay makaraan ang “12-12 Year End Sale” na ginawa ng mga online shopping platform noong Dis­yembre 12 na tinangkilik ng maraming Pilipino na nais makabili ng mga pamasko at pangre­galo sa murang halaga.

Ayon sa isang kila­lang online shopping app, tumabo agad sa P1 mil­yon ang kanilang kinita sa loob ng isang oras sa “11-11 Sale” nila noong Nobyembre 11.

Ngayong “12-12 Sale”, apat na beses umanong dumoble agad ang itinaas ng benta nila sa loob lamang ng isang oras kumpara noong Disyembre 12, 2018.
Sa kabila nito, dagsa rin ang reklamo tulad ng walang kalidad na produktong ipinapadala, mga sira o kulang-kulang, mali ang uri ng produkto, at ang iba ay overpricing sa delivery fee.

Ayon sa DTI, higit 1,200 na ang lehitimong reklamo na natatanggap nila laban sa mga online shopping sites at 46 dito ay sa “11-11 Sale”.
Sinabi ng DTI na pa­tuloy nilang iniimbestigahan ang bawat reklamo at kung agrabyado ang consumer ay pinapatawan ng parusa ang seller upang maitama ang kanilang pagkakamali.

Payo naman ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, suriing mabuti ang reputasyon ng online shopping platform na dapat mayroong mekanismo para makapagreklamo ang tumatangkilik sa kanila.

Marami naman umanong online shopping site ang tinutugunan talaga ang reklamo ng kanilang mga kustomer bago pa makara­ting sa DTI. (Armida Rico)