Mga online seller pinatutukan sa overpricing

Hiniling ng Department of Trade and Industry (DTI) na tulungan sila ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) para matutukan ang mga online seller ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Ito’y dahil maaaring samantalahin umano ng mga online seller ang pandemya patunay ang mga nahuhuling sangkot sa overpricing at profiteering gayundin sa kalidad ng binebentang produkto.

“Marami na pong nahuhuli on the overpricing, profiteering or quality po ng kanilang produkto,” pahayag ni DTI Undersecretary Ruth Castelo sa Laging Handa public briefing Martes ng tanghali.

Dahil na rin sa mahigpit na mga patakaran hinggil sa paglabas ng mga tao mula sa kanilang tahanan ay dumami ngayon ang mga nagnenegosyo sa pamamagitan ng online selling.

Gayunman, sinabi ni Castelo na dapat sumunod ang mga online seller sa Suggested Retail Price ng DTI.

“Wala po tayong distinction nung application nito [SRP] whether it is sold physically, in a physical store or online,” babala ni Castelo.

Dagdag pa nito na naka-monitor ang DTI laban sa mga indibiduwal na maaaring samantalahin ang pagkakataon ngayong mayroong krisis sanhi ng COVID-19.