Mga opisyal na walang malasakit

Nakakadismaya ang ipinakita ng mga lokal na opisyal ng Capas, Tarlac sa matinding pagtutol na gawing quarantine area para sa mga uuwing overseas Filipino worker (OFW) mula sa China ang Athlete’s Village sa New Clark City.

Palatandaan ang ganitong aksiyon ng kawalang malasakit sa kapwa Pilipino sa harap ng matinding problema sa 2019 no­vel coronavirus.

Dapat sigurong magbasa-basa muna ang mga opisyal na ito sa isyu ng coronavirus bago mag-react na akala mo ay lulusubin ang kanilang bayan ng salot.

Unang-una, walang sinasabi ang mga health authority, partikular ang Department of Health (DOH) na ang mga uuwing Pilipino ay positibo sa coronavirus. Malinaw ‘di ba? Ang pag-qua­rantine sa mga manggagaling sa China ay para maobserbahan at ma-monitor kung mayroong kumapit na virus sa mga ito.

Masyado naman yatang nag-over react itong mga opis­yal sa Tarlac. Ang quarantine area ay malayo sa kabahayan at para makarating sa New Clark City ay kailangang sumakay at bumiyahe papasok sa lugar.

Bukod dito, paulit-ulit na sinasabi ng mga eksperto mula sa DOH, World Health Organization (WHO) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na hindi airborne o lumilipad sa hangin ang coronavirus kundi nakukuha ito sa direct contact sa taong may taglay nito.

Mawalang-galang na po mayor, mga magigiting na konsehal, mag-Google o kaya ay makinig sa radyo, manood sa telebisyon para hindi masayang ang energy ninyo sa pag-aalala ng hindi tama.

Ayon pa sa mga health expert, kahit natalsikan ka ng laway ng may coronavirus kung malakas ang resistensiya mo, hindi ka igugupo nito.

Eto pa, hindi nabu­buhay ang coronavirus sa mainit na temperatura. Mainit po ang Pilipinas kaya tiyak na kalaunan ay maglalaho rin ito, harinawa.

Huwag po tayong mag-discriminate lalo na kung hindi pa naman napapatuna­yang positibo sa novel coronavirus ang mga uuwing Pilipino sa China.

Kaya po sila uuwi sa bansa ay dahil nagpasaklolo sila at gustong makaiwas sa peligrong posibleng idulot ng novel coronavirus.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagpakita ng malasakit sa mga Pinoy na nasa China kaya pauuwiin ang mga ito, at hindi naman siguro ilalagay ng Presidente sa pa­nganib ang kalusugan ng may 100 mil­yong Pilipino kung sa tingin nito ay delikadong makahawa pag-uwi ng mga ito sa bansa.

Kaunting malasakit lang po, marami ang napapariwara sa akala. Ayan tuloy, nawarni­ngan na kayo ng Department of the Interior and Local Government. Good luck!